Sadiq (177)
NAGULAT si Sadiq sa sinabi ng lalaki. Sa rami na ng kanyang mga nakausap na OFW at iba pang nagse-seminar, ngayon lang siya naka-encounter ng ganito. Gusto raw ng lalaki na dito na lamang sa bansa at magnenegosyo na lamang siya. Ayaw na niyang mag-Saudi dahil masyado na siyang nasaktan at nabigo mula nang magtaksil ang kanyang asawa. Gusto raw niyang magnegosyo para sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Tatlo raw ang mga anak niya at mga nasa elementarya pa. Tuluyan na raw lumayas ang kanyang asawa, kasama ang lover nito. Ang masaklap, tangay pa ng kanyang asawa ang perang matagal din niyang pinaghirapan sa Saudi.
“Ang sakit nang nangyari sa akin, Sadiq. Akala ko, sa drama lamang sa radyo nangyayari iyon, pero totoo pala,” sabi ni Apolinario na kung tawagin ay Apol. “Kaya nakikiusap ako Sadiq, tulungan mo akong makapagtayo ng negosyo. Gusto ko katulad ng sa’yong business.’’
“Walang problema, Apol. Tutulungan kita.’’
“Meron pa akong naitabing pera at gusto ko iyon ang paiikutin. Kahit sa harapan muna ng bahay ako magtitinda.’’
“Puwede yun, Apol. Sa maliit ka muna magsisimula. Lahat nang malaking negosyo ay sa maliit lang nagsimula.’’
“Oo Sadiq, nakatanim na sa akin ang mga sinabi mo.’’
“Good. Palagay ko aasenso ka, Apol.’’
“Salamat Sadiq. Kapag nangyari yun, hindi na ako mapapahiwalay sa mga anak ko. Dito na lang talaga ako.’’
“Talagang inabandona na kayo ng misis mo.’’
“Oo Sadiq. Masakit talaga ang ginawa niya. Walang awa. Nagpapakahirap ako sa Saudi tapos ibibigay lang pala sa lalaki niya.’’
Napansin ni Sadiq na nangilid ang luha ni Apol.
“Sige, Apol tutulungan kita. Hindi ka na lalayo pa sa mga anak mo. Kaya mo silang buhayin kahit narito ka sa Pinas.’’ (Itutuloy)
- Latest