Sa Piling ng Kalapati (94)
HINDI maitago ni Mommy Donna ang kasiyahan habang pauwi sila ni Ruth sa Maynila. Masayang-masaya ito.
‘‘Ang saya-saya ko Ruth. At ikaw ang may kagagawan ng kasiyahang ito. Dahil sa payo mo na hanapin natin si Dahlia, natupad ang matagal ko nang dinadasal. Salamat muli sa iyo.’’
‘‘Lahat ay gagawin ko para sa’yo Mommy. Basta sa ikaliligaya mo at ikapapanatag ng loob mo, gagawin ko. Kahit anong paraan, basta iyon ang makakapagdulot ng kasiyahan, asahan mong gagawin ko.’’
“Salamat, Ruth. Sobra-sobra na ang nagawa mo sa akin.’’
‘‘Ano pa na ang ini-expect mo, Mommy? Sabihin mo sa akin at mag-iisip ako ng paraan. Walang hindi matutupad basta malinis ang intensiyon.’’
Huminga muna nang malalim si Mommy Donna bago nagsalita.
“’Yung tungkol sa anak ko --- kay Keiko. Malakas ang kutob ko na buhay siya.’’
Napatangu-tango si Ruth.
“Di ba kapag malakas ng kutob mo, malaki rin ang paniwala mo? May pag-asa akong nakikita.’’
“Hayaan mo Mommy, makakagawa tayo ng paraan. Maghintay ka lang.’’
“Oo Ruth. Salamat, anak ko.’’
ISANG umaga habang abala si Mommy Donna sa paglalaba, biglang may nag-text sa kanya.
Hindi niya agad nakuha ang ibig sabihin ng nag-text pero nang mabasa niya ang pangalan ng nagpadala, alam na niya. Si Danilo – ang tambay, ang nag-text.
Tinawagan na niya si Danilo.
‘‘Punta ka rito Mam Donna. May sasabihin ako.’’
Dali-daling siyang nagbihis at nagtungo sa lugar nina Danilo.
Hinintay niya ito sa kanto.
(Itutuloy)
- Latest