EDITORYAL - Nasaan ang mga pulis?
(Pilipino Star Ngayon) - December 27, 2019 - 12:00am

NAKABABAHALA na ang mga nangyayaring holdapan sa Metro Manila na ginagawa ng riding-in-tandem. Sunud-sunod at ginagawa ito kahit sa katirikan ng araw at sa gitna pa nang maraming tao. Ang malaking katanungan ay kung bakit walang mga pulis sa pa­ligid na dapat ay nakakasaklolo agad sa mamamayan? Nasaan na ‘yung sinasabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na 24/7 ang pagpapatrulya ng mga pulis para mapangalagaan ang mamamayan lalo na nga­yong Christmas season. Walang mamataang pulis na nagroronda sa mga matataong kalsada kaya naman malayang nakapanghoholdap ang riding-in-tandem at ang masaklap pa, binabaril pa nila ang biktima.

Noong nakaraang linggo, isang 56-anyos na ginang at kanyang anak na lalaki ang hinoldap sa Bgy. Nova­liches Proper, Quezon City dakong 1:30 ng hapon at na­ta­­ngayan sila ng P800,000. Nag-withdraw ng pera sa banko si Flordeliza Perez at kanyang anak na si Razil John Perez, 24, nang harangin sila ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo at tinutukan ng baril. Nang tumanggi ang dalawa, binaril ng holdaper ang ginang sa binti saka inagaw ang bag na may pera. Bukod sa pera, kinuha rin ang mamahaling cell phone ng anak at wallet nito na may pera. Mabilis na tumakas ang mga holdaper. Isinugod sa ospital ang ginang.

Mabilis ang pangyayari at naganap iyon sa mataong lugar. Ang nakapagtataka, walang pulis na nagpapatrulya. Taliwas ito sa sinasabi ng NCRPO na may mga pulis na handang sumaklolo sa oras ng kagipitan at panga­ngailangan ng publiko lalo pa’t panahon ngayon ng Kapaskuhan.

Ilang linggo na ang nakararaan, hinoldap din at pinatay ang isang lalaking nagwi-withdraw sa ATM sa Baesa, Quezon City. Nakita sa CCTV kung paano hinoldap ang lalaki at nang tumanggi ay binaril ng dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo dakong alas diyes ng gabi.

Paalala naman ng Philippine National Police (PNP) huwag magwi-withdraw sa mga ATM na nasa madilim na lugar at sa dis-oras ng gabi. Kung maari ay sa mga ATM na nasa mall mag-withdraw.

Magandang paalala ito pero mas mainam kung pana­natilihin ng PNP ang regular na pagpapatrulya sa mga matataong lugar. Ipatupad din ang “one-strike policy” kung saan masisibak ang police chief na may sakop sa lugar kapag may nangyaring krimen.

Nalulusutan ng riding-in-tandem criminals ang mga pulis sa Metro Manila at walang ibang kawawa kundi ang mamamayan. Nararapat kumilos ang hepe ng NCRPO sa nangyayaring ito.

METRO MANILA PNP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with