Earthquake fault, bahaing pook tatawirin ng subway
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - December 2, 2019 - 12:00am

UMAMIN nu’ng Oktubre ang Light Rail Transit Authority na wala pala itong disaster recovery plan. Lumitaw ito nang usisain ang management kung bakit maraming buwan aabutin ang pagpalit ng dalawang nasunog na power transformers-rectifiers. Bawat pasilidad na serbisyo publiko -- pier, airport, waterworks, power plant, atbp. -- ay dapat handa sa sakunang lindol, sunog, baha, sabog-bulkan, o atake ng terorismo. Maari itong mapilay nang ilang minuto, pero dapat may disaster recovery plan para maibalik ang serbisyo, at mailigtas ang mamamayan at empleyado.

Naghuhukay ng 36-km Metro Manila subway. Meron itong 15 istasyon sa Quezon, Pasig, Makati, Taguig, at Pasay Cities. Magsasakay daw ito nang 370,000 pasahero kada araw sa matutulin na tren.

Batay sa mga opisyal na dokumento at mapa, tatawid ang riles ng subway sa West Valley Fault Line. Ibig sabihin, malalantad ito sa lindol at liquefaction. Kaya dapat ang tibay ng tunnel at istasyon ay kumaya nang hanggang Magnitude 8.2 na yanig. Dadaan din ito sa mga pook na bahain, batay sa karanasan nu’ng 2009 Super Storm Ondoy. Kaya dapat may espesyal na flood hatches ang tunnel at istasyon. Higit sa lahat, kapag umaandar na ang subway, dapat ay may disaster recovery plan ito. Nakakatakot. Kung ang 15 taon nang LRT-2 sa taas ng lupa ay walang plano sa sakuna, e papano kaya ang subway na 50 metro o 20 palapag sa ilalim ng lupa? Parehong proyekto ‘yan ng DOTr.

Hindi sa QC tungong Food Terminal Inc.-Taguig ang orihinal na alignment ng subway. Nu’ng 2013-2016 dose-dosenang rail engineers ang nagsuri na dapat sa ilalim ng EDSA ang ruta para dagdag sa MRT-3. Mas konti ang mabubulabog na bahayan at tindahan sa EDSA, mas marami ang pasahero, at mas mura ang konstruksyon: P208 bilyon. Pero binago ‘yon ng DOTr. Sa kasalukuyang alignment, tatamaan ang private subdivisions, tatahak sa peligrosong earthquake fault at bahaing pook, at aabot nang P357 bilyon ang gastusin.

EARTHQUAKE FAULT LIGHT RAIL TRANSIT AUTHORITY METRO MANILA
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with