492 kaso ng Omicron, 115 Delta natukoy
MANILA, Philippines — Umabot sa 492 bagong kaso ng Omicron variant ng COVID-19 ang natukoy ng Department of Health (DOH) mula sa mga sample galing sa mga ‘returning overseas Filipinos (ROFs)’ at lokal na residente.
Sa genome sequencing nitong Enero 13-14 ng UP-Philippine Genome Center, UP-National Institutes of Health, at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa 714 samples, bukod sa mga bagong Omicron, natukoy rin ang dagdag na 115 Delta variant cases, at isang Alpha variant.
Sa 492 Omicron cases, 332 sa kanila ay mga lokal na kaso habang 160 ay mga balikbayan.
Sa 332 lokal na kaso, pinakamarami dito ang nagmula sa National Capital Region (NCR) na may 227 kaso, 76 kaso mula sa Calabarzon, 11 sa Central Luzon, lima sa Central Visayas, tig-2 sa Cagayan Valley, western Visayas, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at CAR, habang tig-1 kaso naman sa Ilocos Region, Mimaropa, at BARMM.
Tatlo sa mga ito ang kasalukuyang aktibo, dalawa na ang nasawi habang 467 ang nakarekober. May 20 kaso pa ang kasalukuyang biniberepika.
Dahil dito, umakyat na sa kabuuang 535 ang kumpirmadong kaso ng Omicron sa Pilipinas.
- Latest