Pagluwag ng quarantine sa Metro Manila malabo
MANILA, Philippines — Malabong maibaba sa mas maluwag na quarantine status ang Metro Manila.
Ipinahiwatig ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi na dapat umasa ang Metro Manila na magluluwag ang quarantine dahil sa lumalabas na datos sa kaso ng COVID-19 na patuloy ang pagtaas.
“Lilinawin ko lang po na bagama’t wala pong desisyon ang Presidente...datos po ang tinitignan natin kung tayo po’y magluluwag. At siguro po at this point the data does not indicate na pupwedeng magluwag po at least sa Metro Manila. Para lang po to manage expectations,” sabi ni Roque.
Ayon kay Roque, may pagpupulong pang gagawin ngayong araw ang Inter-Agency Task Force para sa pinal na rekomendasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Bukas posibleng ihayag ng Pangulo ang magiging bagong classification ng quarantine sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Aminado naman si National Task Force COVID-19 chief implementer Sec. Carlito Galvez Jr., na nakita nila na may mga ospital sa Maynila na napupuno na ng mga pasyente.
Pero tumanggi rin si Galvez na ihayag ang mga magiging pagbabago sa mga quarantine at ipapaubaya na lamang sa Pangulo ang pag-aanunsiyo nito.
Sa kasalukuyan ay umiiral ang GCQ sa NCR hanggang Hulyo 15.
- Latest