Bawal magsalita sa LRT-1
Para iwas COVID-19...
MANILA, Philippines — Para makaiwas sa pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19) ay nagpalabas ng kautusan ang Light Rail Manila Corp. (LRMC), operator ng Light Rail Transit Line 1 na nagbabawal mag-usap o magsalita sa mga tren sa LRT-1.
Ayon kay LRMC Corporate Communications head Jacqueline Gorospe na kapansin-pansin kasi na ilang mga pasahero ang nagtatanggal ng kanilang face mask sa loob ng tren habang nakikipag-usap sa kanilang mga telepono.
“Knowing ‘yung COVID-19, nata-transmit siya through droplets, another layer of protection is if walang nagsasalita, walang lalabas na droplets,” ani Gorospe.
“We remind our passengers na kailangan po i-postpone muna ‘yung call. Or if they need to talk, kailangan nakasuot ang mask,” paalala pa niya.
Para naman maayos na maipatupad ito ay lilibot ang ilang LRT-1 marshalls at personnel.
Samantala, inianunsyo ni Gorospe na walong personnel nila ang nagpositibo sa COVID-19 nitong mga nakaraang buwan.
Nasa dalawa o tatlo na rito ang gumaling at nakakumpleto ng kanilang 14-day quarantine period.
Matatandaan na umabot na sa mahigit 200 kawani ng MRT-3 ang tinamaan ng COVID-19 habang ang LRT-2 naman ay nagbebenta ng tiket sa pamamagitan ng vending machine.
- Latest