Tiongco wagi ng ginto sa Thailand meet
MANILA, Philippines — Iwinagayway ni Jervie Tiongco ang bandila ng Pilipinas sa prestihiyosong 15th World Muay Federation (WMF) Muay Thai Championships matapos umani ng gintong medalya sa event na ginanap sa The Bazaar Hotel sa Bangkok, Thailand.
Naitala ni Tiongco ang agresibong third-round knockout win laban kay Ivan Yemelynov ng powerhouse Russia sa championship round para masiguro ang unang puwesto sa men’s 51-kilogram division.
Sampung segundo na lamang ang nalalabi sa third round, isang matikas na roundhouse kick ang pinakawalan ng 21-anyos na si Tiongco na tumama sa mukha ni Yemelynov na hindi na nakabangon pa para tuluyang igawad sa Pinoy fighter ang korona
“First time ko rito sa World Championship at naka-gold pa. Sobrang salamat din po ako kay Sir Rolly (Catoy) at nabigyan ako ng tsansang lumaban dito,” wika ni Tiongco.
Hindi naman pinalad ang isa pang Pinoy bet na si Peter Mark Bayaras na umabot lamang sa quarterfinals ng event na nilahukan ng 30 bansa.
- Latest