^

Punto Mo

Rebolusyon ng pag-iisip

Pang-masa

NOONG Pebrero 25, 1986, 32 taon na ang nakaraan, nagtagumpay ang EDSA People Power Revolution sa pagpapatalsik sa dalawang dekadang diktadura ni Pangulong Ferdinand Marcos at pagluluklok kay Corazon Aquino bilang Presidente ng tinaguriang Ikalimang Republika ng Pilipinas.

Nagulat ang buong daigdig sa apat na araw na pangyaya-ring naganap sa Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA) kung saan naipagtagumpay ng mga Pilipino ang isang mapayapang rebolusyon sa pamamagitan lamang ng dasal at bulaklak. Walang dugong dumanak, bagamat kayraming luha ang pumatak. Kay sarap isiping isa ako sa milyong Pilipinong tumapak sa EDSA na isang sagradong lansangan ng panahong iyon. Noon, talagang ipagmamalaki mong ikaw ay isang Pilipino. Inidolo ng maraming bansa sa buong daigdig ang ating “People Power.”

Akala ko, iyon na ang simula ng pagbangon ng Pilipinas mula sa pagsasamantala ng mga bulok na pulitiko, pagnanakaw ng mga tiwaling nasa gobyerno, lumalaking agwat ng mayaman at mahirap, mailap na hustisya sa mga walang kaya, family dynasty, red tape, etsetera, etsetera.  Tila nagpapaulit-ulit lamang ang ating kasaysayan. Biruin mo, ang mga napatalsik na’y nakababalik pa uli sa puwesto at kapangyarihan!

Ito ang malaking problema natin, ang rebolusyong nagsimula sa lansangan ay hindi umakyat sa ating kaisipan. Minsan ay tinalakay ko dito sa “Usap Tayo” na ang kailangan natin ay hindi “Revolutionary Government” kundi “Revolution of the Heart.” Isa pang rebolusyon ang kaila-ngan natin, ang “Revolution of the Mind.” Ito ang pagbabagong malalim, sagad-sa-buto, hindi pansamantala at pandamdamin lamang.

 Ang Bibliya ay nagbigay ng depinisyon ng malalim at totoong pagbabago.  Ganito ang wika sa Roma 12:2, “Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.”

Pagbabago ng pag-iisip—ito ang tunay na pagbabago. Anumang ginagawa natin ay nagsisimula muna sa ating pag-iisip. Nang isipin natin ang isang bagay, ‘yon ang tinatawag na “first creation.”  Nang ginawa natin ang ating inisip, ‘yon ang tinatawag na “second creation.” Walang “second creation” kung walang “first creation.” Kaya nga para kay HesuKristo, inisip mo pa lamang na gawin ang isang kasalanan ay totoong nagkasala ka na. Ang nais Niya ay huwag nating pabayaang maka-first base man lamang ang anumang kasalanan.

 Ang pagbabago ng isip ang kailangan natin upang tunay na mabago ang Pilipinas.  Hindi naman tayo magsisimula sa wala. Maaari nating balikan ang magagandang katangiang naikintal sa isip ng ating mga ninuno. Kabilang dito ang diwa ng “Bayanihan” na naging tema ng maraming mga “paintings” at “sculptures” ng mga Filipino artitsts. Ang ugat ng salitang “Bayanihan” ay “Bayan.”  Ang “Bayanihan” ay ang sama-samang pagkilos hindi para sa kabutihan ng iisa o iilan, kundi para sa kabutihan ng bayan. Ang “Bayanihan” ang siyang pinag-uugatan ng tunay na “Kabayanihan.” Ito ang pagiging bayaning buhay kaysa patay; nasa lansangan kaysa nasa sementeryo.

Huwag nating pahintulutang sa litrato na lamang makikita ang “Bayanihan.” Sikapin nating makita ito sa ating buhay, sa iyong buhay, sa  malaki man o maliit na kaparaanan.  Sama-sama nating buhayin ang EDSA People Power Revolution sa pamamagitan ng pagbuhay sa diwa ng Bayanihan.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with