Aga ayaw makipag-away sa isyu ng pulitika
Tama naman si Aga Muhlach hindi dapat na mag-away away nang dahil lamang sa pulitika. Ang sinasabi nga ni Aga, dapat na igalang naman natin ang isa’t isa. Kung sino man ang choice niya, irespeto ninyo gaya rin naman ng pagbibigay respeto niya sa kung sino man ang napili ninyo.
Siguro kaya lang naman nakapagsalita nang ganyan si Aga ay dahil sa nangyayaring may mga artista na nambabash ng kapwa nila artista dahil lamang sa magkaiba nilang political choices na hindi naman siguro tama.
Ok lang kung ang layunin nila ay magkaisa, pero dahil sa ginagawa nila lalong nahahati ang mga tao sa showbusiness, nagkakaroon ng pagkakawatak-watak at kung minsan ay alitan pa.
Eh papaano nga naman pagkatapos ng isang araw lang na eleksiyon, tuloy pa rin ang alitan dahil sa kawalan ng respeto sa paniniwala ng kapwa mo tao?
Dapat lang ilagay natin sa tamang ayos ang ating kaisipan, at matuto tayong irespeto ang opinyon ng ating kapwa.
Vilma, binalikan ang nakaraan
Tiyak na hindi pinalampas ng Vilmanians ang vlog na ginawa ni Ate Vi sa Metropolitan Theater na venue ng mahigit na walong taon bago permanenteng inilipat sa dating studio ng GMA sa Broadway. Nakasama ni Ate Vi ang isa sa kanyang mga naging co-host na si Roderick Paulate, ang choreographer at producer ng kanyang show sa simula’t simula pa, sina Maribeth Bichara at Chit Guerrero.
Sinasabi naming simula’t simula, dahil hindi naman nag-umpisa talaga ang Vilma sa GMA 7. Iyan ay nanggaling sa BBC 2, pero nasara nga ang istasyon dahil sinequester ng Aquino government noon at inilipat iyon sa ABS-CBN.
Maraming istasyon ang nag-offer noon na sa kanila ilipat ang show ni Ate Vi dahil top rater nga pero naging maganda ang offer ng Channel 7 noon, na ang dating staff ang gagawa ng content ng show, at sila na lang ang magfi-finance.
Noon nabuo ang kumpanya ni Chit Guerrero na Media Muscle, na siyang tumayong content producer ng Vilma.
Noong una, wala silang magamit na malaking studio sa GMA kaya doon sila sa MET, na mas gusto naman nila dahil marami kang magagawa sa laki ng stage. Designed kasi ang stage nito para sa mga zarzuela noong araw.
Bukod doon, malaki ang audience area, bagama’t hindi pa rin nagkakasya roon ang Vilmanians lalo na kung may okasyon, halimbawa nga kung birthday ni Ate Vi na talagang lumuluwas pa sa Maynila ang fans niya sa probinsiya na hindi man sila makapasok at least nakikita nila ng personal ang kanilang idolo.
Kaya ang solusyon naman nila roon ay naglalagay sila ng mga malalaking screen sa labas para sa mga hindi nakakapasok. Tapos si Ate Vi naman ay lalabas pagkatapos ng show at babatiin ang fans na nasa labas.
Talagang napakaraming memories na nabuo sa MET, kaya nga kailangang may part 2 ang vlog na mapapanood next week.
Baguhang aktor, naabuso
“Sobra naman pala sa pelikula,” sabi daw ng isang baguhang male star na nasabak sa isang gay indie. “Baryang-barya na nga ang bayad sa iyo, lagi ka pang nakahubad sa halos lahat ng eksena, tapos gagalawin ka pa ng director ng pelikula,” reklamo daw ng nasabing baguhan.
Totoong nangyayari iyan, pero para mangyari ay pumapayag din sila sa ganyang pang-aabuso. Puwede naman silang magreklamo. Puwede naman silang umayaw. Kaso may mga baguhan ngang masyadong atat na maging artista at pumapayag kahit na sa mga indecent proposals, tapos magrereklamo.
- Latest