Komedyanteng si Don Pepot, pumanaw sa edad na 88

Don Pepot
STAR/ File

Ang narinig namin noon, nag-abroad na ang komedyanteng si Don Pepot. Bata pa kami napapanood na namin sa telebisyon si Pepot. Hindi namin alam na nagbalik na pala siya sa Pilipinas. At napasok pala siya sa Veterans’ Memorial Hospital kamakailan dahil sa pneumonia.

Natural na yata iyang pneumonia, medyo humihina na kasi ang respiratory system ng isang tao kasabay ng kanyang pagtanda.

Ganoon din ang nangyari sa komedyante, hanggang noong Martes nga ng gabi, Enero 18, sa ganap na alas 8:32, ay binawian siya ng buhay, sa gulang na 88.

Mabilis namang kinumpirma ng kanyang pamilya ang balita. Nakakalungkot na marami sa ating mga mahuhusay na artista ang pumapanaw. Nakakalungkot din na nawala sila sa panahong lugmok ang industriya ng entertainment sa ating bansa dahil diyan sa mga ginagawang lockdown bilang pag-iingat sa COVID.

Alam ninyo ang mga artista, sanay iyan sa masayang pamumuhay, lalo na nga ang mga komedyanteng kagaya ni Don Pepot, at tiyak depressed iyan sa nangyayari sa industriya.

Ang depression nagiging dahilan para lalo silang manghina. Nakakalungkot talaga.

John Lloyd at Jessica, pinagkukumpara ang rating

Nakakatuwa naman ang kuwentong tumaas pa diumanong lalo ang rating ng sitcom na ginagawa ni John Lloyd Cruz sa GMA 7. Maganda iyan dahil maliwanag na ngayong ang kanyang popularidad sa fans ay nabawasan man pero hindi nawala sa kabila nang mahigit na apat na taon siyang pagkawala sa show business, nang makipag-live in siya at magkaroon ng anak sa dati niyang girlfriend na si Ellen Adarna na ngayon ay misis na ni Derek Ramsay.

Ang punto naman diyan ay wala nga kasing kalaban ang show niya dahil wala namang itinapat ang ABS-CBN at kung mayroon man, mahihirapan din dahil off the air pa rin sila at nakikilabas lang sa iba’t ibang network tulad ng TV5 and A2Z.

Pero may napansin kaming hindi tama. Isinasabong nila ang sitcom ni John Lloyd sa show ni Jessica Soho na siyang may pinakamataas na ratings sa kanilang weekend programs.

Pero ang show ni John Lloyd ay isang sitcom, at ang show ni Jessica ay isang public affairs program. Malaki ang kaibahan ng audience niyan. Marami ang nanonood ng public affairs show na hindi nanonood ng sitcom. Ganoon din naman ang gusto lamang maaliw o matawa, hindi naman nanonood iyan ng news features.

Hindi sila magkalaban, kaya hindi tama na ikumpara ang kanilang ratings.

Iyon naman kasing rating ni Jessica na matagal na niyang hawak, mahirap mo nang gibain iyon. May televiewers na loyal na sa kanya at sa kanyang show, na ano man ang itapat mo hindi ka papansinin.

Pero nakakatuwa at ang mga tao ay patuloy na tumatangklik sa legitimate media, at maaasahan na natin iyan, ang patuloy na pamamayani ng GMA 7, hanggang hindi nakakabalik ang ABS-CBN dahil sila lamang sa ngayon ang may istasyon na ang franchise ay nagpapahintulot sa kanilang mag-broadcast ng 150 KW.

Male singer, inaming humada ng bading

Kakuwentuhan namin ang isang male star noong isang araw, at napunta ang aming usapan tungkol sa isang aktor na “nagsa-sideline” sa mga bading. Inamin ng male star na maging siya ay nalapitan at inalok din ng ganyan. Inamin din niyang dumating siya sa panahong kailangan din niya ng pera at wala ngang trabaho, at muntik na siyang mapasama rin diyan kung hindi niya napag­labanan at naisip na may iba pang paraan.

Mabuti naman daw napaglabanan niya, may dumating na trabaho, at pagkatapos noon ay nagkasunud-sunod na kaya naiwasan niya iyong mali.

Maaari naman talagang iwasan ang kalaswaan sa raket kaya lang ang iba kasi ang gusto ay “easy money.”

Show comments