^

PSN Showbiz

‘Nawa’y makabangon ang lahat sa matinding kahirapan…’

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Bagong Taon na! 2022 na! Tulad ng Pasko ay parang dumaan lang nang paganu’n ang pagpapalit ng taon. Walang masyadong preparasyon, walang matinding ingay, itinulog na lang ng maraming Pinoy!

Kasi nga ay lumobo na naman ang bilang ng mga kababayan nating nagpositibo sa virus. Nagdoble-triple ang numero na nagbigay na naman ng takot sa mga Pilipinong sumusunod sa mga health protocols na mahigpit na ipinaaalala sa atin ng DOH.

Idagdag pa ang pakikidalamhati natin sa mga sinalanta ng bagyo sa Katimugan, habang nagsasaya ang mga hindi hinagupit ay hayun naman sila, humihingi ng awa para kahit paano’y mairaos nila ang pang-araw-araw nilang pamumuhay.

Harinawang makabangon sila agad sa matinding kahirapan, maaksiyunan sana agad ng ating pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan, para malaya nating masasabi ang pagbating Happy New Year po sa ating lahat!

Kris, pinagdarasal na gumaling ngayong 2022

Ngayong 2022 ay una sa aming listahan si Kris Aquino. Ilang taon na niyang bitbit ang sakit na sobrang nagpapahirap sa kanya lalo na kapag umaatake ang kanyang allergies.

Naturingang masalapi pero kung bakit hanggang ngayo’y hindi pa rin maturol ng kanyang mga doktor kung saan nag-uugat ang kanyang sakit.

Sa taong ito, harinawang makalaya na si Kris sa hawla ng sakit na nagbibigay ng problema sa kanya, mawala na sana ang mga gamot na iniinom niya araw-araw, makakilos na sana siya nang normal kasama ang kanyang mga anak na sina Joshua at Bimby, at ng taong nagmamahal sa kanya na si Mel Sarmiento.

Ipagsigawan man ni Kris na maligaya siya ngayon ay mawawalan ‘yun ng saysay habang patuloy na bumabagsak ang kanyang timbang at hindi maayos ang kanyang pisikal na pangangatawan.

Health is wealth.

Sharon, sinusubok ang katatagan

Dahil taon ng eleksiyon ngayon ay may matinding dinadalang problema si Sharon Cuneta. Sinusubok ng panahon ang kanyang katatagan kung paano niya haharapin ang pagbabanggaan sa ikalawang pinakamataas na posisyon ng kanyang kinagisnang pangalawang amang si Senate President Tito Sotto at ng kanyang asawang si Senador Kiko Pangilinan.

Isang maganda at maayos na relasyon ang nakataya sa labanang ito. Siguradong maaapektuhan ang samahan ng dalawang pamilya. At si Sharon ang nakaipit ngayon sa dalawang nagbabanggaang pulitiko.

Mairaos sana nila sa isang propesyonal na paraan ang senaryong ito. At dahil pare-pareho naman silang edukado ay siguradong paiiralin nila ang gasgas nang linyang “higher road” sa pingkiang ito.

Coco at Julia, ayaw umamin para mapag-usapan

Kung nakakaparalisado ang mga paghusga at panunumbat sa hindi nila pag-amin sa tunay nilang relasyon ay matagal na nga sigurong naka-wheel chair sina Coco Martin at Julia Montes.

Ilang taon nang usap-usapan ang kanilang relasyon, mas umigting pa nga ang mga kuwento nang sumabog ang balitang nanganak na ng isang sanggol na babae si Julia na si Coco ang ama, pero hindi ‘yun nagpatinag sa kanilang pag-amin.

Pero may punto ang masusing obserbasyon ng mga kababayan natin na kung aaminin na nila ang tunay nilang relasyon ay ano pa ba ang pag-uusapan tungkol sa kanila?

Oo nga naman. Wala na. Hindi na sila magiging sentro ng usapan at wala nang pagpipistahan ang mga Marites tungkol sa kanila.

Kani-kanyang atake nga lang naman ‘yan. Para-paraan lang. Habang hindi sila umaamin na meron silang anak ay patuloy pa rin silang magiging relevant.

May punto!

‘Alden, manatili sanang nakatapak sa lupa’

Mapanatili sana ni Alden Richards ang kanyang kasikatan ngayong 2022. Siya pa rin sana ang humawak sa titulong pinakasikat na aktor ng kanyang panahon.

Huwag sana siyang pagbaguhin ng popularidad at kayamanan, manatili sanang nakatapak sa lupa ang magkabila niyang paa, mga katangiang minamahal sa kanya ng publiko.

At dahil matagal na siyang hinahanapan ng karelasyon ng mga kababayan natin at ng kanyang mga tagahanga ay magkaroon na sana ng girlfriend ang Pambansang Bae sa taong ito.

‘Yun na lang ang kulang kay Alden, kumpleto na siya bilang aktor, ang personal niyang buhay na lang ang binabantayan sa kanya ng publiko.

Siya na rin naman ang nagsasabing hindi na siya bumabata, kailangan na niya ng karelasyong magbibigay ng inspirasyon sa kanya, aabangan ng mga kababayan natin ang lovelife ni Alden Richards ngayong buong taong ito.

Lalo pang nagpapaangat sa kasikatan ni Alden ang tahimik niyang pagtulong sa mga kababayan nating kapuspalad. Walang sabi-sabi, walang mga camera, walang pag-iingay.

Nalalaman na lang ng publiko ang kanyang ginawa, sa ibang bibig nanggagaling, dahil kakambal ng pagtulong ng guwapong aktor ang indulhensiya.

Ang ginagawa ng kanan niyang kamay ay hindi na niya ipinaaalam sa kaliwa, ganu’n ang sinserong pagtulong, ganu’n ang mula sa pusong pagmamahal sa mga nangangailangan.

vuukle comment

PASKO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with