^

PSN Showbiz

FPJ at Dolphy, ‘di noon pinagsasabay ‘pag pasko!

ISYU AT BANAT! - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon

Feliz Navidad. Meri Kurisumasu. Natalem Felicem Christi. Merry Christmas.

Sa anong wika man ninyo sabihin, Maliga­yang Pasko sa inyong lahat.

Dito sa Pilipinas, sinasabi ngang may pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko. Dito sa atin, talagang masaya ang Pasko. Huwag mong sabihing binayo tayo ng bagyong Odette. Huwag mong isipin na matagal na tayong binubuwisit ng COVID. Dito sa atin maligaya pa rin ang Pasko.

Dito sa atin, dahil pinakamalaking holiday nga ang Pasko, kaya pinagpilitan ng noon ay Mayor ng San Juan, at presidente ng PMPPA na si Joseph Estrada, at Secretary Guillermo de Vega na chairman din ng noon ay Board of Censors for Motion Pictures, na makuha ang araw ng Pasko at ang kasunod na 10 araw pa upang maging Pista ng Pelikulang Pilipino sa buong Metro Manila.

Ginawa nilang honorary chairman ng MMFF ang noon ay governor ng Metro Manila, na si First Lady Imelda Romualdez Marcos. Itinakda rin nila na ang lahat ng taxes mula sa 10 araw na festival ay ibibigay sa Mowelfund, at ang isang maliit na bahagi naman sa Cultural Center.

Kasama ang dalawang grupo ng mga sinehan noon sa Metro Manila, ang Metro Manila Theaters’ Association at ang Greater Manila Theaters’ Association, ang festival ay pinatatakbo ng PMPPA. At sa loob ng 10 araw na iyan, ginagawa ng mga film producer ang kanilang pinakamagagandang pelikula at ipinapalabas sa festival. Hindi puwede ang lumang pelikula. Kailangan unang ipapalabas sa MMFF.

Itinakda rin nila ang parade ng mga pelikula at mga artista kung bisperas ng Pasko. Magsisimula iyon sa Cultural Center na siyang lunduyan ng kultura at sining, at binabagtas ang kahabaan ng Roxas Boulevard na karaniwang punung-puno ng mga tao, mayroon pang galing sa mga probin­siya, para saksihan ang parada na matatapos sa Luneta, na makasaysayan dahil diyan pinatay ang pambansang bayani si Gat. Jose Rizal.

Ang gabi ng parangal ay ginagawa sa ikalawang araw ng festival, dahil sa paniwalang ang pinakamahuhusay na pelikula na makakakuha ng parangal ay tatangkilikin ng mas maraming tao hanggang sa pagtatapos ng festival.

Ang mga pelikula noong kasali sa festival, aba’y tapos na ang festival sila pa rin ang palabas sa mga sinehan na kung minsan inaabot na ng katapusan ng Enero. Ganoon katindi ang MMFF noong araw.

Noong panahong iyon, ang kinikilalang box office cham­pions ay ang hari ng pelikula, si FPJ (Fernando Poe Jr.) at ang hari ng Comedy na si Mang Dolphy. Nagkaroon ng unwritten rule para sa dalawa. Hindi sila magsasabay ng pagsali sa festival, kasi tiyak na mahahati ang kita ng mga pelikula, at kung magsasabay sila, apektado ang lahat ng iba pang mga pelikula. Baka langawin na ang iba.

Noon sa pagtatapos ng festival, ang lahat ng producers ay nakangiti. Maganda ang kita eh. Wala kang makikitang nakapangalumbaba. Walang napu-pull out dahil hindi pinanonood. Lahat ng pelikula nananatili sa sinehan hanggang sa katapusan ng festival, at walang pinalalabas na regulasyon na pumipilit sa mga sinehan na ilabas ang mga pelikula nila.

Ang sinehan, mas binubuksan nang maaga. Minsan alas-otso pa lang, upang makarami ng screenings ang mga pelikula at mas marami ang makapanood. Hindi gaya ngayon, tatlo hanggang apat na screenings na lang sa maghapon. Malaki ang kaibahan ng festival noon kaysa sa ngayon. Noon ang bawat festival ay matagumpay. Hindi kagaya ngayon na ang sinasabi ay “puwede na rin.”

Ang kaibahan siguro noon, ang namamahala kasi ay ang PMPPA at ang mga sinehan. Sila ay bahagi ng industriya at alam nila ang galaw nito, hindi gaya ngayon na ang nagpapatakbo ay gobyerno na hindi naman alam ang industriya ng pelikula kaya kung anu-ano ang ginagawa.

Noon pa, may kampanya sa MMFF na isauli na sa industriya, at ang MMDA ay maging donor na lang kagaya ng dati.
Pero hindi eh, ang katuwiran nila ang taxes ay kanila at ibinibigay lang nila sa mga beneficiaries, kabilang na ang Optical Media Board, ang social fund ng Presidente ng Pilipinas, at “cash gifts” sa mga namumuno sa MMDA.

vuukle comment

DOLPHY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with