^

PSN Showbiz

Mahusay na singer, master na master ang galing sa paghawak ng pera

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Marunong humawak ng pananalapi ang isang pamosong male personality. Hindi siya gastador, sa sampung pisong kinikita niya ay dalawang piso lang ang kanyang ginagastos, nakasubi ang walong piso.

Kuripot ang tawag sa singer-actor ng kanyang mga kaibigan, pero depensa ng isang source, kakuriputan na ba ang pagiging marunong humawak ng pera?

Kuwento ng aming source, “Magaling kasi siyang umatake sa kinikita niya. Kahit sa mga isinusuot niya, marunong siyang pumaraan. Nagpapa-alter siya, binabago lang ang design, parang bago na naman!

“Hindi siya nagsasayang, ang mamahal pa naman ng mga suit niya, puwede pang pakinabangan ‘yun kung maparaan ka lang! Kahit sa mga usong damit, hindi siya nakikipagsabayan!

“Ang galing-galing niya talaga, kaya kita n’yo naman, dumating man ang maraming pan­demya, maayos ang buhay ng pamilya niya!” unang kuwento ng aming impormante.

Maraming kakontemporaryo ang male singer na hindi na kagandahan ang estado ng buhay ngayon. Walang trabaho, walang naipon, kaya hindi nila malaman kung ano ang ikabubuhay nila ngayon.

Patuloy ng aming source, “Pero itong male singer na ito, buhay na buhay ang career! Hindi naman kasi siya nangitlog lang sa pagkanta at pag-arte. Nag-aral siyang magdirek, mag-compose, pinakikinabangan niya ngayon ang mga sakripisyong pinagdaanan niya!

“At magaling siyang host, napakarami niyang puwedeng gawin, kaya hindi niya problema ang pandemya, iba talaga ang magaling humawak ng pera, hindi nasosorpresa ng mga pagsubok!

“Ang kuripot, e, ‘yung pati ang sarili at pamilya, e, pinagdadamutan. Hindi siya ganu’n, naibibigay niya ang mga kailangan ng kanyang wife at mga anak, basta nasa tamang paggastos lang.

“At heto pa. Hindi talaga siya kakapusin, maraming properties ang family nila na pinaghati-hatian na nilang magkakapatid, kaya malaking-malaki ang naiipon niya.

“Pero kahit ganu’n na siya kasigurado sa future ng pamilya niya, e, trabaho pa rin siya nang trabaho, masipag siya, iba nga naman ‘yung may regular siyang kinikita!

“Masuwerte ang pamilya ng male singer, hindi sila magugutom, napag­handaan na ng singer-actor ang kinabukasan nila. Kahit palagi siyang naka-dark glasses, malinaw na niyang naplano ang buhay nilang mag-anak,” pagbibigay pa ng clue ng aming source.

Ubos!

Direk Andoy, nawalan ng kontrol sa emosyon

Marami palang ginawang proyekto sa GMA-7 si Direk Andoy Ranay. Pinagtrabahuhan niya naman ang mga programang ‘yun pero hindi pa rin natin maiaalis ang katotohanang hindi natin binabasag ang pinggan na pinagkainan natin.

Pinagbuksan siya ng pintuan ng GMA-7, binigyan ng mga oportunidad, kahit pa nagsimula siya sa ABS-CBN. ‘Yun ang nagdidiin ngayon sa direktor sa pinakawalan niyang matalim na pahayag kailan lang na sinagot ng mga artista ng GMA-7.

Ang kanyang opinyon, aanhin daw ang prangkisa, kung basura naman ang mga ginagawang trabaho? Doble ang talim ng kanyang post, puwede niyang sabihin na hindi naman ang GMA-7 ang kanyang tinutukoy, puwedeng TV5 ang kanyang pinariringgan.

Pero alinmang network ang kanyang pinatatamaan ay hindi pa rin hinihingi ang ganu’ng pahayag mula sa isang tulad ni Direk Andoy Ranay na nakasukob din sa isang malaking payong ng industriya ng telebisyon.

May kayabangan ang dating. Mapagmarunong. Namimintas. Nangmemenos. Siya lang ang magaling sa lahat ng magaling at wala nang mas gaga­ling pa sa kanyang panlasa.

Si Jaclyn Jose ang unang sumagot sa direktor. Sumang-ayon naman si AiAi delas Alas. Hindi man nagpo-post ang iba pang mga artista ng GMA-7 ay sobrang umaray sa padaskul-daskol na pagbibitiw ng mga salita ni Andoy.

Pinaliit ng direktor na ito ang kanyang mundo nang dahil lang sa kawalan ng kontrol sa kanyang emosyon. Napakaraming naibabato pabalik sa kanya, kinukunsensiya siya ng mga personalidad na nakatrabaho niya sa Siyete, ano raw ba ang gusto niyang palabasin?

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Nakalimutan na yata ng hambog na direktor na ‘yun na may pera sa basura? Kung basura ang panukat niya sa mga proyektong ginagawa ng pinatatamaan niyang network, at least, may basura pa rin silang ibinebenta!

“Mas nakakalungkot ang magagaling ngang gumawa ng project, pero hindi naman nila maayos na maibenta, dahil tinanggalan sila ng prangkisa!” madiing komento ni prop.

Sabi ni Jaclyn Jose, “I don’t fear the enemy who may attack me, I fear the fake friend who will still hug me.”

May isa pang kasabihan, “It’s better to have an enemy who slaps you in the face than a friend who stabs you in the back.”

Dahil basura na rin lang ang ginawang puhunan ng direktor sa kanyang panglalatigo, idagdag na rin natin na ang kaibigan ay parang basura, kailangang ihinihiwalay natin ang nabubulok sa hindi.                                                                                     

vuukle comment

MONEY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with