^

PSN Showbiz

Sikat na aktor na kapos sa pakikisama, pinipilit sa 2022 Ubos

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

May mga nagpapalutang ng kuwento na nilalapitan daw ngayon ng mga lider-pulitiko ang isang sikat na lalaking personalidad para tumakbo sa darating na eleksiyon.

Napakalaki daw ng pagkakataong magwagi ang male personality dahil sikat siya, matulungin sa kanyang mga kapwa artista, sigurado raw na milyun-milyong boto ang kanyang makokopo sa halalan.

Marami na raw kumakausap sa sikat na aktor, pinag-iisipan na raw niyang mabuti ngayon kung tatanggapin niya ang alok ng mga lumalapit sa kanya, bahala na raw si Batman.

Pero kung ang mga taga-showbiz ang tatanungin ay mukhang malabong makakopo ng upuan sa pamahalaan ang sikat na male persona­lity. Maraming dahilan kung bakit.

Kuwento ng isang source, “Tama, sikat nga siya, sikat ang serye niya, pero ganu’n na lang ba ‘yun? Dapat, may kaalaman din ang kandidato, hindi ang pagiging popular lang niya ang dapat pagbasihan.

“Una, marami nga siyang natutulu­ngang artista, pero hindi naman sa bulsa niya nanggagaling ang talent fee ng mga kasama niya sa serye niya, galing sa production ang TF, hindi sa sarili niyang bulsa!

“Gusto lang talaga niyang marami siyang katrabaho, gustung-gusto lang niyang marami siyang kagrupo, para kunwari, e, siya ang hari at mga alipores lang niya ang kasama niya!” tutol na pahayag ng aming impormante.

Kulang din kuno sa pakikisama ang sikat na male personality, palagi lang siyang nagpapalamig sa kanyang magarang van, madalas din niyang pagalitan ang mga kasamahan niya sa trabaho.

Isa namang impormante ang nagsabi, “Napakalaking bagay para sa kandidato ang magandang PR, e, wala nga siya nu’n! Hindi naman siya nakikipagkuwentuhan man lang sa mga kasamahan niya!

“Ganu’n ba ang papasok sa politics, walang PR, hindi marunong makisama? Bokya na siya agad sa part na ‘yun! Ayusin niya muna ‘yun bago siya mag-ambisyon! Mag-aral muna siyang makisama!

“At teka lang muna. Kapag pumasok siya sa pulitika, e, siguradong makakalkal ang buhay niya! Talagang ipapahiya siya sa mga botante ng kalaban niya!

“E, ‘yun nga ang ayaw na ayaw niya, ang pinanghihimasukan ang buhay niya! Kung ang lovelife nga lang niya, e, hindi pa niya maamin-amin, ‘yun ba ang magtatangkang kumandidato?

“Sikat man siya at mayaman, e, waley! Magsasayang lang siya ng pagod dahil iikutin niya ang lahat ng probinsiya sa Pilipinas!” napakadiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Flashback ni Coco, may umay na!

Pagdating sa mga serye ay nakabukas ang baraha namin sa publiko. Sinasabi namin ‘yun sa radyo at telebisyon, maging sa aming mga kolum, na kapag oras na ng Ang Probinsiyano ay lumilipat na kami sa First Yaya ng GMA-7.

Umay na umay na kasi kami sa mga eksenang flashback. Napakatagal nang nakalibing ni Alyanna ay ibinabalik-balik pa rin ang kanilang mga eksena ni Cardo Dalisay, bagong putahe naman ang hinahanap ng aming mga mata.

Ang serye ni Coco Martin ang nilulundagan namin, sinisimulan at tinatapos namin ang Niña Niño, Huwag Kang Mangamba at ang katatapos lang na Walang Hanggang Paalam.

Nagtatrabaho kami sa maghapon, mahalaga ang aming oras, kami rin ang nagtatrabaho para may pambayad kami sa kuryente kaya ayaw na­ming magsayang ng pera.

‘Yun ang dahilan kung bakit sa First Yaya kami lumilipat. Hindi na kami teenager para kiligin sa lihim na pagtitinginan nina Melody at ng pangulo pero interesante para sa amin ang ikot ng kuwento.

Hindi OA ang pagganap ni Sanya Lopez, natural lang sa isang yaya ang kiligin kapag napapansin niyang may espesyal na pagtrato sa kanya ang pangulo, magiging choosy pa ba naman siya?

Oo nga’t mas swak na swak sana kung si Senador Bong Revilla ang gumaganap na presidente, pero may dating pa rin naman ang presensiya ni Gabby Concepcion, nagkakaedad man ay simpatiko pa rin ang ama ni KC.

Wala pang istorya sa totoong buhay na ang minahal ng isang pangulo ay ang yaya ng kanyang mga anak, wala pa, at ‘yun ang nagbibigay ng kakaibang panghalina sa ikot ng kuwento ng First Yaya.

Ang ganda-ganda ni Sanya Lopez, kahit naka­suot siya ng uniporme ng isang yaya ay kitang-kita pa rin ang kanyang kaseksihan, idagdag pa ang kanyang pangarap na maiahon sa hirap ang kanilang pamilya.

Sabi ng pamangkin naming si Ferdie de Leon, “Nakakawala ng stress ang First Yaya. Alam mo namang parang imposible ‘yung sa kanila ng pa­ngulo, pero nakakaaliw ang kuwento.”

At heto pa ang text naman ni prop, “I’m a big fan of First Yaya, I love the characters, I like the pre­sentation of the story. For me, mas totoo ‘yun kesa sa isang seryeng isang battalion na ang kalaban, isang milyong bala na ang pinakawalan, pero buhay na buhay pa rin!

“Ano ito, sci-fi? Please stop the flashbacks, umay na umay na ang buong bayan!” matalim pang komento ni prop tungkol sa serye ni Coco Martin.

vuukle comment

COCO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with