^

PSN Showbiz

Magkarelasyong laging inuupakan ng bashers, may pasabog ngayong mahal na araw!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Tatlong tulog na lang at tapos na ang Marso. Magtatapos na ang buwan na hinding-hindi makakalimutan ng buong mundo dahil sa pagsisimula ng pandemya.

Nakaabang ang buong bayan ngayon sa mga susunod na magaganap, balik-ECQ naman ang NCR at iba pang mga piling probinsiya, balik na naman tayo sa grade one.

Pero may hatid na anunsiyo ang buwan ng Abril. May nakatakdang pasabog ang isang magkarelasyon na minamahal ng iba pero paborito ring upakan sa social media ng mga bashers.

Isang mahalagang rebelasyon ang isasapubliko nilang dalawa, ikaliligaya ‘yun ng mga taong nakakakilala sa kanila mula ulo hanggang paa, pero maituturing din ‘yun na pagkain para sa mga bashers na walang inaabangan kundi ang butas na masisilip sa kanilang relasyon.

Abangan ang pasabog na ito sa mga unang araw ng Abril. Papalakpakan ng kanilang pamilya at mga kaibigan ang desisyong ipapahayag nila.

At ikagugulantang ‘yun ng mga taong walang alam gawin kundi ang kundenahin ang kanilang relasyon. At ikakapahiya ‘yun ng mga napakaagang humusga sa kanilang pagmamahalan.

Promise!

Male personality, matibay ang relasyon sa dating kinaaawaan

Ayon sa aming source na hindi nanununog at nangunguryente (walang dagdag na paglalarawan, Japs Gersin!) ay mahirap nang mabuwag ang matibay na pundasyon ng pagmamahalan ng isang pamosong male personality at ng isang babaeng personalidad.

Kalampagin man sila ng mga bashers, upakan man sila mula ulo hanggang sa mga ingrown nila, ay wala nang makapagpapahiwalay pa sa magkarelasyong ito.

Kuwento ng aming source, “Ibang-iba ‘yung klase ng pagmamahal na may kasamang awa. Nandu’n na kasi ang love, e, nandu’n pa ang sympathy.

“Matindi ang love story nila. Ikinuwento ng girl sa male personality ang pinagdaanan niyang buhay. Nakakaawa ang babae. Marunong lang siyang lumaban, naging matapang lang siya, kaya nalampasan niya ang lahat ng mga paghihirap na ‘yun!” buwena-manong kuwento ng aming impormante.

Pakiramdam ng male personality ay siya ang tagapagligtas ng naging kapalaran ng babaeng personalidad, siya ang knight in shining armour, kaya isandaang porsiyentong nahulog ang kanyang kalooban sa aktres.

Minsan pang sultada ng aming source, “Mahihirapan na silang sirain ng kahit sino at ng kahit ano, napakatibay na ng relasyon nila, iba pala kapag naghalo ang awa at pagmamahal.

“Mas nakakahigit siyempre ang love, ibinigay ng girl sa kanya ang lahat-lahat, siya ang nakauna sa girl, sa totoo lang.

“Basta! Kakaiba ang love story nila, matibay na matibay, sobrang tibay na hindi na kayang wasakin ng kahit sino pa d’yan!” napakadiing rebelasyon ng aming source.

Ubos!

Pilikmata ni Andrea, lutang sa huwag kang mangamba

Dahil na rin siguro sa pandemya kung bakit marami tayong napapansin sa mga pinanonood-inaabangan nating serye. Pati kaliit-liitang detalye ay napapansin natin.

Dagdag sa bilang ng mga tinututukan naming serye ngayon bukod sa Paano Ang Pangako? at Walang Hanggang Paalam (pasilip-silip din kami sa First Yaya) ang kasisimula lang na Huwag Kang Mangamba.

Siyempre’y ekstensiyon ito ng matagumpay na pagsasama nina Andrea Brillantes at Francine Diaz sa Kadenang Ginto pero iba lang ang latag ng istorya.

Hindi lang kami, marami kaming nakapansin, na kinapos ang produksiyon sa pag-aalaga sa papel na ginagampanan ni Andrea. Bulag siya, galing sa nagsaradong ampunan, naghahanap sa kanyang ina.

Pero sa kanyang mga eksenang binibigyan si Andrea ng close-up ay kitang-kita ang malalantik niyang pilikmata dahil sagana sa mas­cara. Sabi ng isang kausap namin, “Bulag siya, tungkod lang ang gabay niya, pero naman, pang-beauty pageant ang mga eyelashes niya!”

Totoo naman. Nang-aagaw ng eksena ang mga pilikmata ni Andrea, nasagasaan na siya at nabuhay, naghuhumindig pa rin sa tigas ang mga pilikmata niya.

Ito namang si Paulo Avelino sa Walang Hanggang Paalam, sa tagal ng katatakbo nila ni Angelica Panganiban sa pagtakas sa tropa ni Zanjoe Marudo ay naubusan ng baterya ang cellphone ng bida, tumawag si Paulo sa isang pampublikong telepono at nakontak niya naman si Arci Muñoz.

Pero nang tumunog ang cellphone ni Arci, ang nakarehistrong pangalan ay “Emman,” nakalimutan ng scriptwriter na sa public pay phone tumawag si Paulo. Maliit na bagay lang kung tutuusin, pero kitang-kita ang butas, maingatan sana ang mga ganu’ng detalye.

Pero sa kabuuan ay interesante ang mga serye, dahil kung hindi, sa maagang panahon pa lang ay kumalas na dapat ang nanonood pero nagpatuloy pa rin.

Lalo na ang Huwag Kang Mangamba, napapanahon ang tema ng serye, pag-asa at pananampalataya na kailangang-kailangan natin ngayong panahon ng pandemya.

vuukle comment

ECQ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with