^

PSN Showbiz

Sikat na personalidad na nangangailangan, sinukuan ng mga nagbibigay ng trabaho

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Masaklap ang kinauwian ng isang napakagandang oportunidad na dapat sana ay sasagip sa nalulunod na karera ng isang pamosong female personality. Matindi ang ­naging paghahanda ng produksiyon pero nauwi sa wala.

Marami siyempreng nalulungkot, ‘yun na sana ang magsesenyal sa pagbabalik sa harap ng mga camera ng babaeng personalidad pero naunsiyami ang plano, tapos na ang boksing.

Ayaw magsalita ng mismong prodyuser ng proyekto, pero masamang-masama ang loob nito, nasayang ang napakahalagang panahong ginugol nito para sa paghahanda sa pelikula.

Abala sa kanyang propesyon ang prodyuser, kulang pa ang maghapon sa dami ng kanyang ginagawa, pero nagsakripisyo ito para lang mabuo ang isang proyektong alam nitong makatutulong nang napakalaki sa female personality.

Pero hanggang sa simula lang pala ang entusiyasmo ng babaeng personalidad, para siyang sasakyan na mahusay lang sa arangkada, pero sa rektahang takbo ay nawawala na.

Kuwento ng aming source, “Nakakapang­h­inayang ang opportunity na ‘yun! Suwerte nga siya, may tao pang nagtitiwala sa kanya, kesehodang ­napakarami na niyang pinaggagawang kapalpakan!

 “Ito na dapat ‘yun! Isang proyektong pinaghandaan talaga ng buong production, nagsunog ng kilay ang scriptwriter, nakahanda na ang pondo para sa kabuuang project, pero nauwi lang sa wala,” umpisang pagtitilad sa kuwento ng aming impormante.

Mahirap ang kalagayan ng buong produksiyon, ng direktor at ng mismong prodyuser, dahil parang wala namang pakialam ang female personality sa mga ­paghahandang ginagawa ng grupo.

Patuloy ng aming source, “Dati nang kuwento ‘yan, very interested siya sa umpisa, pero bigla na lang siyang nagwawala-walaan. Kailangan siya sa ­meeting, hindi siya dumarating. Dumating man siya, e, nag-uuwian na ang lahat.

 “Sa panahon ngayon ng pandemya, e, napakagandang pagkakataon ito na hindi niya na dapat palampasin. Ang dami-daming artistang ­naghahanap ng trabaho, napakahirap ng buhay ngayon, pero heto naman ang babaeng ito na ihinahain na nga sa kanya ang work, pero kung anu-ano pang drama ang ginagawa niya!

 “Hay, naku! Ano na nga lang ba ang masasabi natin sa female personality na ito, ‘Peace be with you!’ Nakakapanghinayang na oportunidad!” naiinis na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Gretchen hindi ‘kinaya’ ang state of the nation address ni Kris

(Ang pinagpistahang video ni Gretchen Barretto laban kay Kris Aquino ay luma na. Lumabas ito nu’ng January 2019 pa. In-edit ito ng uploader sa paraang parang ngayon lang ang video.)

Habang panahon ng pandemya ay hindi nagparamdam si Gretchen Barretto. Binabantayan ng bayan ang kanyang mga social media accounts, pero tahimik lang ang aktres, wala tayong nabasa-narinig mula sa kanya.

Pagkatapos nang mahigit na isang taon ay heto si Gretchen, pakiramdam ng buong bayan ay binasag na ang kanyang pananahimik, pero hindi ang kanyang kapatid ang tinutuligsa niya.

Si Kris Aquino. Ayon sa aktres ay hindi niya kinaya ang mga paglilitanya ng TV host sa huling “state of the nation address” nito.

Pinuntirya ni Kris ang pagmamahal sa ating bayan, ang makasaysayang malasakit ng kanyang mga magulang para sa ating bansa, kasali na ang paglilingkod ng kanyang Kuya Noynoy na tinawag ni Gretchen na Abnoy.

Hindi ‘yun pumasa sa panlasa ni Gretchen, muli niyang hinalukay sa baul ng alaala ang pangalan ng isang negosyanteng sinisingil nang bilyon ng BIR pero tinulungan ni Kris na mapababa ang babayaran sa termino ng kanyang kuya, ganu’n daw ba ang may pagmamahal at malasakit sa ating bayan?

Dahil sa pagtulong ni Kris sa negosyante, ayon kay Gretchen, ay tumanggap ito ng mga branded bags at sapatos at iba pang mga kagamitan.

Pa-involve daw si Kris, banggit pa ni Gretchen, hindi ito isinasangkot sa ­usapin ng pulitika, si Kris mismo ang nakikisawsaw at nagsasali sa kanyang sarili para lang mapag-usapan, hindi raw siya ang sawsawera kundi si Kris Aquino.

Drama Queen ang tawag ni Gretchen kay Kris, sobra-sobra na raw ang pagdadrama ng TV host, na sa totoo lang ay kinauumayan na ngayon ng ating mga kababayan.

Bilang panghuli ay naglaan pa ng respeto at pagkaawa si Gretchen kay Kris. Hindi raw dapat ikinatutuwa ang pinagdadaanang sakit nito.

Sabi ni Gretchen, “We don’t like that, we don’t gloat when somebody is suffering, because that’s karma, but right now, that is what happens.”

Tuwang-tuwa ang mga maka-DDS at mga loyalista ng mga Marcos sa buwelta ni Gretchen sa tinatawag niyang Drama Queen.

Si Gretchen Barretto raw, kapag nagsalita, ay may saysay. Hindi nakauumay. At walang pagbabanta ng pasabog, walang kiyaw-kiyaw, maririnig na lang natin ang dumadagundong niyang alingawngaw.

Inuulit po namin, ang video na ito ay nu’ng 2019 pa, pero may muling naglabas.

 

 

vuukle comment

WORK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with