^

PSN Showbiz

Aktres na dating pasaway at umiinom ng dakut-dakot na pampatulog, aligaga sa paghahanap ng trabaho ngayon

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Hanggang ngayon ay naaalala pa rin ng aming source ang pinagdaanang matinding problema at karanasan ng isang production staff ng malaking network nang magsimula nang maglukring-lukringan ang isang pamosong female personality.

Ang aming source ang naging sumbungan ng prod staff, sa kanya ito umiiyak, dahil ito ang nasasabon ng produksiyon nang dahil sa babaeng personalidad.

Kuwento ng aming source, “Palagi siyang tumatawag sa akin, iyak siya nang iyak, dahil nalalagay sa peligro ang trabaho niya. Meron pa naman siyang anak na itinataguyod.

“Paano nga naman kung mawalan na siya ng trabaho, paano na ang kabuhayan nila ng anak niya, basta na lang siya matatanggal nang dahil lang sa female personality na ‘yun?” unang kuwento ng ­aming source.

Matinding problema ng produksiyon ang female personality, ang production staff ang itinoka sa kanya para magbantay, pero wala naman itong magawa.

Patuloy ng aming source, “Cause of delay palagi ang female personality. Umaga ang calltime, dumarating siya nang maka­pananghali na. So, nagtoka na ang production ng taong walang gagawin kundi ang bantayan lang siya kapag araw na ng taping!

“Nakakaawa ang kaibigan ko, umaga pa lang, e, nandu’n na siya sa bahay ng girl, ginigising na niya at pinaghahanda, pero ayaw buma­ngon! May katulong na siya sa pagbabangon sa girl, pero nagpapatihiga na naman siya!

“Sabi nga ng beking PA ng girl, kapag binuhusan daw kaya nila ng kumukulong tubig ang babae, e, bigla na lang lulundag sa kama! Ganu’n siya kahirap gisingin, bantay-sarado na siya, pero talagang walang magawa ang mga ‘yun sa kanya!” napapailing pang kuwento ng aming impormante.

‘Yun ang panahong panay-panay ang gamit nang dakut-dakot na sleeping pills ng female personality. Hindi raw kasi siya mapagkatulog kaya ang dalawang pirasong tablet lang dapat ay ginagawa niyang isang dakot.

Pero ibang-iba na ang sitwasyon ngayon, bagsak na ang kaban ng female personality, wala na siyang pambili ng gamot at siya naman ang aligaga sa paghanap ng trabaho ngayon.

Sabi uli ng aming source, “Wala nang kaila­ngang magbantay sa kanya ngayon, kahit siguro huni lang ng butiki, e, sapat nang ikagising niya ngayon, dahil kailangan niyang magtrabaho.

“Malaki o maliit ang role, e, kailangan na niyang tanggapin ngayon para siya mabuhay. At ngayon lang niya na-realize ang katotohanan na life is not always a bed of roses at walang forever!” napapai­ling na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Korean film, Ipinakita ang kahalagahan ng utang na loob

Kapag nagkukuwentuhan sina Manay Lolit Solis at Salve Asis tungkol sa mga Korean novela at pelikulang pinanonood nila ay tahimik lang kami. Wala kaming maikomento.

Hindi kasi kami nanonood ng mga pelikulang Koreano, pakiramdam namin ay magkakamukha sila at pati ang kanilang mga pangalan ay magkakatunog, mas tutok kami sa mga pelikulang Pilipino at Ingles at mga makabuluhang dokumentaryo.

Hanggang sa magkaroon kami ng komunikas­yon ng anak-anakan naming si Obet Sapin, tutok na tutok ito sa Netflix sa kanyang mga libreng oras, kinumbinse kami ni Obet na panoorin ang My Paparotti.

Tama ang sabi ni Obet Sapin, kung iniyakan namin ang Green Book ay kailangan din naming maghanda ng panyo, dahil siguradong iiyakan namin ang kuwento ng My Paparotti.

Kuwento ito ng isang matagumpay na tenor at ng kanyang music teacher. Halaw sa tunay na buhay ang istoryang pinagbidahan ni Lee Je-hoon bilang si Jang-ho.

Miyembro siya ng isang gang, puro gulo at away ang kanilang hanap, nakalimutan na ni Jang-ho ang kanyang pangarap na maging matagumpay na tenor.

Si Mr. Nan lang, ang kanyang music teacher, ang tanging naniwalang makikilala siya, sisikat na tenor, kaya bumaklas na siya sa gang.

Sa isang kumpetisyon ay nahuli ng dating si Jang-ho, pinagtripan siyang bugbugin ng mga dati niyang kasamahan, dumating siyang duguan pero handa pa ring kumanta.

Ayaw na ng mga hurado, tapos na ang labanan, pero nakipag-away si Mr. Nan para lang siya mapakinggan. Maya-maya ay maririnig na ang boses ni Jang-ho, nawindang ang mga hurado, binigyan siya ng standing ovation. Si Mr. Nan na umiiyak ang nag-akumpanya sa kanya sa piano.

Pagkatapos nu’n ay nagdesisyon nang magpunta sa Italya si Jang-ho para mag-aral at matupad ang kanyang pangarap na maging sikat na tenor. Bitbit niya ang basbas ni Mr. Nan na sumasaludo sa kanyang talento.

Inihatid siya sa airport ni Mr. Nan, parehong nangingilid ang kanilang luha, pero siguradong makikiiyak sa tagpo ang manonood nang bitiwan ni Jang-ho ang kanyang mga bagahe at lumuhod nang halik-lupa sa pasasalamat at pagsaludo sa kanyang mentor.

Ilang taon ang nakalipas, sikat nang tenor si Jang-ho, niregaluhan niya ng pagtatanghal ang kanyang paaralan. Sabi niya, “Ilang taon na ang nakararaan, sa mismong entabladong ito, ay naghuramentado ang isang tao para lang marinig ng audience ang boses ko.

“Siya ang nagbigay ng lakas ng loob sa akin para ituloy ang pangarap ko, utang na loob ko sa kanya ang tagumpay ko ngayon,” sabay lahad ng kanyang mga kamay sa kinauupuan ni Mr. Nan.

Nag-iiyakan ang manonood, maligayang-maligaya si Mr. Nan sa pagpapahalaga sa kanya ni Jang-ho, ang music teacher na nagarap ding maging sikat na tenor pero nagkaroon ng cancer sa lalamunan.

Istorya ito ng pagtanaw ng utang na loob. Ng pagpapahalaga sa taong nagsakripisyo para sa kanyang pangarap. Ng taong nagbigay sa kanya ng armas para hindi sumuko sa laban.

Mapanood din sana ng mga personalidad na walang pagpapahalaga sa utang na loob ang My Paparotti, ng mga artistang maagang nalulunod sa mga sigaw at palakpak, ng mga taong hindi marunong lumingon sa nakaraan.

Maraming-maraming salamat, Obet Sapin, sa pagkakataong masilip namin ang makabuluhang pelikulang ito.

vuukle comment

AKTRES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with