Jamm Rea, hindi iniiwan ang pag-aaral
MANILA, Philippines — Nakilala si Jamm Rea na isang singer-songwriter sa kanyang mga madamdaming awitin at mala-jazzy vocals. Gaya ng hinahangaan niyang bandang Eraserheads, layunin niyang makagawa ng mga awiting makakapukaw ng puso’t isip ng kanyang mga tagapakinig.
Inilabas na ang kanyang debut single na Parang Di Mo Alam, na kasalukuyang mapapakinggan sa Spotify Philippines Fresh Finds playlist, at ngayo’y naghahanda sa kanyang unang EP na malapit na ring ilabas ng kanyang music label na Curve Entertainment Inc.
Ang kanyang hilig sa OPM bands at global alternative indie-pop artists ang nagbigay ng inspirasyon kay Jamm Rea para ituloy ang kanyang ambisyong makalikha ng musika.
Noong 2014, nag-audition siya sa The Voice Kids Season 1. Nakilahok at nagpasa rin siya ng awitin sa Himig Handog 2017 na may pamagat ng Walang Katotohanan, at sumubok din sa Idol Philippines at Wishcovery Season 2.
Nagpatuloy pa ang kanyang pakikipagsapalaran sa pamamagitan ng live gigs, pagbubukas ng Moonstar88, nagtanghal sa Sundown PH sa PTV 4, at naging resident singer ng Feast Southmall Music Ministry and Good Shepherd Parish Choir. Sa lahat ng natanggap niyang biyaya, hindi niya kailanman nakalimutang papurihan ang Panginoon.
Bumuo rin siya ng YouTube channel kung saan maaari ring mapapanood ang kanyang mga cover ng kanta at iba’t ibang videos na nagpapakita ng kanyang pagiging makulit at masayahin.
Samantala, kahit abala sa pag-abot ng pangarap para maging isang sikat at mahusay na mang-aawit, isa ring consistent honor student sa Centro Escolar University-Makati kung saan siya kumukuha ng Dentistry.
- Latest