^

PSN Showbiz

Tunay na reyna ng pelikula na si Mila del Sol, pumanaw sa edad na 97

ISYU AT BANAT - Ed de Leon - Pilipino Star Ngayon
Tunay na reyna ng pelikula na si Mila del Sol, pumanaw sa edad na 97
Mila del Sol

Natapos na naming naisulat ang column na ito nang makarating sa amin na yumao ang aktres na si Mila del Sol, Clarita Villarba Rivera sa tunay na buhay, sa edad na 97. Si Mila del Sol ang itinuturing na ‘reyna ng pelikula’ noong panahong tinatawag ding ‘golden age of Philippine cinema.’

Sumikat si Aling Mila sa kanyang kauna-unahang pelikula na katambal si Fernando Poe Sr., ang Giliw Ko na siya ring kauna-unahang pelikulang ginawa ng LVN Pictures. Iyan ay idinerehe ni director Carlos Vander Tolosa na isang musical film.

May kuwento pa na noong premiere night ng Giliw Ko, nanood ang noon ay presidente ng Commonwealth ng Pilipinas na si Manuel Quezon. Nagustuhan ng pangulo ang pelikula, at hiniling na makunan ng litrato kasama ang leading lady na si Aling Mila nga. Nang sabihin kay Aling Mila ang request ng presidente, nagmamadali siyang tumakbo at para huwag madapa, inalis niya ang sapatos niyang mataas ang takong. Kaya sa picture nakikipagkamay siya sa presidente, habang sa kaliwang kamay niya ay bitbit niya ang sapatos niyang high heels.

Nasilip pa namin ang ilang bahagi ng pelikulang iyan, na nai-restore ang kaisa-isang kopyang nakuha nila na 16mm pa ang sukat, at ang restoration ay ginawa ng Australian government noon pang 1998, bilang handog nila sa pagdiriwang ng ika-isandaang taon ng industriya ng pelikula sa Pilipinas. Bagama’t may mga nauna pang pelikulang Pilipinong natapos at inilabas kaysa sa Giliw Ko, kinikilalang iyon ang unang commercial film.

Nakagawa ng maraming pelikula si Aling Mila. Nang mag-retire na siya bilang isang artista, nagtayo siya ng isang janitorial and maintenance service company, na itinuturing na siyang pinakama­laking ganoong kumpanya hanggang sa ngayon.

Si Aling Mila ay nanay ng sikat na artista at television host na si Jeanne Young, na retired na rin ngayon.

Disney, pinakita ang pagbabago ng Pasko sa ‘Pinas

Sa totoo lang, tuwang-tuwa kami nang makita namin ang animated advertisement ng Disney store para sa taong ito. Itinampok kasi nila ang Pasko sa Pilipinas. Nagsimula iyon sa Pasko noong 1940, kung saan ipinapakita ang Pasko sa Pilipinas. Maliwanag ang mga parol. Maliwanag ang simbahan. Tapos sinalubong ng anak ang dumating niyang tatay na ibinigay sa kanya ang regalong manyika ni Mickey Mouse.

Tapos ipinakita ang panibagong henerasyon, nasa abroad na sila, ang dating maliit na bata ay isa nang lola, pero nasa kanya pa rin ang manyikang Mickey Mouse. Malungkot siya dahil iba na ang pagdiriwang ng Pasko kaysa sa kanyang nakagisnan.

Isang araw, naisipan ng kanyang apo na gumawa ng maraming parol, isinabit iyon sa kanilang bahay at nang magising ang matanda ay nakita niya iyon. Muling nagbalik ang ngiti sa kanyang labi, naalala niya ang Pasko sa Pilipinas. Talaga namang kakaiba ang Pasko sa ating bansa.

Bukod sa katotohanang sa Pilipinas nga ang pinakamahabang pagdiriwang ng Pasko, marami tayong tradisyon kagaya ng Simbang Gabi, ang masayang noche buena para salubungin ang Pasko, pagbibigayan ng regalo at marami pang iba.

Ngayon, maiiba na nga ang Pasko sa atin. Ba­wal na ang Christmas party. Bawal na rin ang caro­ling. Hindi pa naman ipinagbabawal ang Simbang Gabi, pero hindi na puwede ang gaya ng dati na umaapaw ang simbahan sa dami ng tao, ngayon ay kalahati na lang daw ng simbahan ang puwede.

Hindi naman sinabing huwag kang magsimba, pero pinaiiwas ka. Noon basta nakatanggap ka ng regalo masayang-masaya ka na. Ngayon kung makakatanggap ka ng regalo, bombahan mo raw muna ng disinfectant bago ka magsaya.

Sabi nga namin, napakaganda ng Pasko sa Pilipinas. Tingnan ninyo na maski na ang Disney napansin iyon at binibigyang halaga nila sa kanilang advertisement para sa Pasko sa taong ito.

Pero baka kagaya rin ng lola, ang Paskong ganoon ay manatili na lang sa ating alaala. Binago na rin ng pandemya ang Pasko.

vuukle comment

MILA DEL SOL

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with