^

PSN Showbiz

Female singer, masayang-masaya sa hitsura ‘pag nanalamin

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Palagi palang iniiyakan ng isang kilalang female singer ang mga tinatanggap niyang pamba-bash. Napakapersonal kasi ng mga bira sa kanya sa social media.

Palaging ang kanyang itsura ang kinakalampag ng mga bashers, idinedetal­ye pa ang mukha niya, puro iyak lang ang nagagawa ng female singer. May mga nagpapayo sa kanya na dedmahin na lang ang mga pintas sa kanya pero tao nga lang naman siyang nasasaktan.

Kuwento ng aming source, “Hindi naman kasi sa lahat ng pagkakataon, e, matitiis niya ang mga pamimintas. Nakakawala ‘yun ng tiwala sa sarili.

“Lalo na nu’ng namaga ang face niya dahil sa isang pinag­daanan niyang procedure, mas inupakan pa siya, walang kaawa-awa ang mga bashers talaga.

“’Yun ang palagi niyang pinoproblema, ang sobrang sakit ng mga salitang ipinakakain sa kanya, kaya kung minsan, e, inaabot na rin siya ng pagiging emotional.

“Sumasagot din siya, pero walang dating ‘yun sa mga bashers niya, panay-panay pa rin ang pamimintas sa kanya,” napapailing na unang kuwento ng aming source.

Malaki na rin ang kinikita ng female singer, marami siyang raket, nag-ipon siya nang nag-ipon. Tinulungan niya muna ang kanilang pamilya, pero pinagdamutan niya ang mga pangangailangan niya, dahil may malaking plano siyang pinag-iipunan.

Patuloy ng aming source, “’Yun ang mahalaga niyang pinaglalaanan, ang pagpapaganda. May mga gusto siyang bilhin bilang gift sa pagtatrabaho niya, pero tiniis niya ‘yun.

“Kasi nga, malaki ang magagastos niya sa planong pagsailalim sa mga procedure para sa pagpapaganda. Meron siyang gustong patunayan. Gusto niyang ibalik ang confidence na matagal nang ninakaw sa kanya ng mga bashers.

“At nagtagumpay ang female singer. Baka nga kahit maglakad siya sa probinsiya nila ngayon, e, walang makakilala sa kanya. Ang ganda na niya kasi, napakalayo na sa dati niyang itsura.

“Ano kaya ang masasabi ngayon ng mga bashers na wala nang ginawa nu’n kundi ang pintas-pintasan siya? Maganda na ang face value ng female singer, kapag nananalamin siya ngayon, e, masayang-masaya na siya!

“At hindi siya nagdedenay sa mga ipinagawa niya, aminado siya! Na dapat lang naman dahil hindi niya talaga maitatago ang before and after niya!” pagtatapos ng humahanga naming source.

Ubos!

Tagumpay ni Arnel Pineda, nasingitan ng lungkot dahil sa kapatid

Ilang beses na naming pinanonood ang dokumentaryo ng buhay at karera ni Arnel Pineda, ang kababayan nating maga­ling na singer na sinu­werteng naging miyembro ng sikat na banyagang bandang Journey, butas ng karayom ang kanyang pinagdaanan.

Nagsimula ang dokumentaryo sa pagdalaw niya sa Moises Salvador na pinasukan niya sa elementarya, ang pagbalik niya sa Tondo kung saan siya lumaki, hanggang sa maging bokalista na siya ng iba-ibang banda.

Madalas niyang kantahin ang mga piyesa ng Journey tulad ng Open Arms at Faithfully, mga video na ipinadala ng kanyang tagahangang si Noel Gomez nang manawagan ang Journey na nangangailangan sila ng bagong vocalist, hanggang sa sumailalim na siya sa napakatinding pagsubok sa audition.

Palibhasa’y galing siya sa isang third world, nang makapasa siya sa audition ay kung anu-anong masasakit na salita ang kanyang tinanggap sa social media—monkey, impersonator, garbage at kung anu-ano pang nangangagat na kapintasan.

Sa unang pagsalang niya bilang bagong bokalista ng Journey na ginanap sa Chile, pakiramdam ni Arnel ay kinakapos siya ng hangin, nanginginig ang buo niyang katawan, pero nang marinig niya na ang mga sigawan at palakpakan nang labingwalong libong pumuno sa stadium ay biglang nagbago ang kanyang timpla.

“World war na ito!” sabi ni Arnel sa kanyang sarili. “How can you not be better, you’re with Journey? Dati, album lang nila ang binibili ko, pero this time, kasama na ako sa banda?”

Mula sa singkuwenta pesos na kinikita niya sa bawat gig ng mga bandang sinalihan niya ay libu-libong dolyares na ang tinatanggap ngayon ni Arnel Pineda bilang bokalista ng iniidolo niyang Journey.

Sinulat namin ang kuwento ng Don’t Stop Believin documentary na ito dahil nu’ng isang araw lang ay nahuli ang nakababatang kapatid ni Arnel sa kaso ng pagbebenta ng droga.

Nasa dokumentaryo rin ang sinabi ng isa niyang kapatid nu’ng nagbabanda pa siya, “Siya si Kuya Arnel, ang kapatid naming kanta nang kanta at lundag nang lundag sa stage tuwing gabi. Ang kinikita niya, ibinibigay niya sa aming magkakapatid.’”

Ganu’n nga yata talaga ang buhay. Magkapatid ang saya at lungkot. Kapag masayang-masaya tayo ay may sumisingit na kabiguan.

vuukle comment

SINGER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with