^

PSN Showbiz

Sikat na aktres na umaapaw ang bulsa noon, nakilala na ang mga tunay na kaibigan

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Kapag nasa itaas ka at umaapaw sa salapi ang bulsa mo ay para kang asukal na pinagkakaguluhan ng mga langgam. Pero kapag nagbago na ang sitwasyon, kapag kakalug-kalog na ang bulsa mo at nasa ibaba ka na, du’n mo na makikilala kung sinu-sino ang mga tunay na kaibigan mo at ang mga taong sinserong nagmamahal sa iyo.

Ganu’n mismo ang damdamin ng isang pamosong female personality na dating nasa ituktok ng kasikatan pero paglipas ng panahon ay nandito pa rin naman pero isa na lang siya sa marami.

Kuwento ng aming source, “Tanggap niya naman ang nangyari sa kanya. ‘Yun ang maganda kay ____(pangalan ng babaeng personalidad), wala siyang ilusyon. Alam niya na hindi na niya panahon ngayon.

“At least, naranasan niyang sumikat, ‘yung sikat na sikat, bago nagbago ang kapalaran niya. Alam niya na marami siyang naging pagkukulang, alam niya na siya rin naman ang nagpabaya sa career niya, kaya hindi niya na-sustain ang level na meron siya,” umpisang kuwento ng aming impormante.

Nu’ng kasagsagan ng kanyang popularidad ay parang ampunan pala ang bahay ng female personality. Du’n na nakatira sa kanya ang mga taong nabibiyayaan niya.

Kuwento uli ng aming source, “Naku, hindi ka makadadaan sa bahay niya nang maayos. May mga natutulog sa sala, sa pasilyo ng bahay niya, magtitinikling ka bago ka makatawid.

“Ganu’n karaming tao ang nasa bahay niya, hindi na umuuwi, kasi nga, baka makaalpas sa kanila ang mga biyayang ibinibigay ng female personality.

“Very generous kasi siya, wala siyang pinipiling panahon ng pagpapaulan ng mga biyaya. Sasabihin niya, ‘Akina ang bag ko.’ ‘Yun na ‘yun! Hugot na lang siya nang hugot ng datung para ipamigay sa mga tao niya!

“Hindi na siya nagbibilang kung magkano ang natira sa kanya, madali lang naman siyang makapagpapatakbo sa bank, napakarami niyang datung!” sabi ng aming kausap.

Tapos na ang kabanatang ‘yun ng kanyang buhay at career. May mga biyaya pa rin namang dumarating sa kanya, pero kasyang-kasya na lang sa mga pangangailangan niya, wala na siyang maipamimigay.

“Tinatawanan na lang niya ang nakaraan, ganu’n daw pala ang buhay, kapag meron ka, e, may mga paru-parong nakapalibot sa iyo para sumimsim ng nectar.

“Pero in fairness, kahit wala na siyang sobra-sobrang pera ngayon, e, masaya siya. At nakatutulong pa nga siya sa mga taong mas matindi ang pangangailangan kesa sa kanya,” pagtatapos ng aming impormante.

Luchi inaming tatlong buwang na-icu

Pinaglaanan talaga namin ng oras ang unang sultada ng Usapang Real Life ng hepe ng News 5 na si Ms. Luchi Cruz-Valdes.

Nasa Probe Team pa lang ang news anchor ay inagaw niya na ang aming atensiyon. Malinaw siyang magtawid ng mga impormasyon at itatago mo sa iyong puso ang kanyang mga dokumentaryo.

Ang Usapang Real Life ay isang klase ng programang uumpisahan mo at tatapusin mo. Hindi mo iiwanan ang panonood kahit pa nagrereklamo na ang pantog mo para dyuminggel ka.

Turn the table ang unang segment, si Luchi ang kinapanayam ng kanyang kasamahan at kaibigang si Karen Davila, nakasalam­pak lang sila nang napakakaswal sa isang puting sofa.

Binuklat ni Luchi ang libro ng kanyang tunay na buhay sa publiko. Mula sa kanyang pagkabata hanggang sa magtrabaho na siya bilang reporter. Mula sa pagpanaw ng kanyang mister na si Kuya Lito hanggang sa siya na mismo ang tatlong buwang nagkasakit at namalagi sa ICU.

Siya ang unang nagbukas ng tunay niyang buhay sa manonood. May karapatan na siyang buklatin ang tunay na buhay ng kanyang mga panauhin.

KC atat nang magkaanak

Masustansiya ang kanyang panayam kay KC Concepcion bilang buwena-mano sa kanyang programa. Maraming impormasyong tumawid sa publiko tulad ng pananahimik lang ng dalaga nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion pero napakarami palang natutulungang mga kababayan natin.

Lumuha si KC sa puntong ang pagiging anak niya na ang naging paksa. May kani-kanyang pamilya na ang kanyang mga magulang, meron siyang mga kapatid sa ama at ina, pero hindi niya naman kasama.

Ang konsepto ng isang pamilya para kay KC ay buo, isang katotohanang wala siya, ‘yun ang kulang sa kanya na hanggang ngayo’y hinahanap pa rin niya.

Pero gusto niyang ipagmalaki siya ng kanyang mga magulang sa kanyang pag-iisa, lalo na ni Sharon, na aminado si KC na number one fan siya.

Naging napakahirap para kay KC ang ilang buwan na lockdown na mag-isa lang siya sa kanyang condo. Ginamit niya ang panahon sa pagluluto sa tulong ng kanyang mga kaibigan.

Ikinuwento rin ni KC ang madalas niyang pagyakap sa isang puno ng mangga, kapag nag-wish ka raw kasi ay matutupad ‘yun, gusto na niyang magkaroon ng anak.

Marami pang ikinuwento ang dalaga pero sa pagtatapos ng panayam ay sinabi niya, “I am not perfect, but I’m willing to learn.”

Aabangan uli namin sa susunod na Sabado nang gabi sa TV5 ang Usapang Real Life ni Ms. Luchi Cruz Valdes.

Kapag masarap na sa una ang natikman mo ay siguradong mas masarap ang mga susunod pa.

vuukle comment

KC

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with