^

PSN Showbiz

New normal kailangan ng matinding pag-iingat

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
New normal kailangan ng matinding pag-iingat
Kris
STAR/ File

Ngayong Lunes na ang hudyat ng mga pagbabago sa ilalim ng GCQ. Parang nakikinita na namin na parang mga ibong ikinulong sa hawla nang dalawang buwan at kalahati na magpupulasan sa paglipad ang ating mga kababayang nasabik sa kalayaan.

‘Yun ang nakakatakot. Dahil sa pagiging malaya na sa paglabas ng bahay ay mas magi­ging malapit na tayo sa amba ng coronavirus.

Siguradong may mga hindi susunod sa mga ipinagbabawal, may mga hindi mag-oobserba sa physical distancing at paggamit ng face mask, liberasyon ito para sa mga pasaway.

Nasa yugto na tayo ng sinasabing new normal. Hindi na tulad nang dati ang ating pang-araw-araw na buhay, hanggang hindi pa nadidiskubre ang gamot na panglunas sa COVID-19 ay kailangan nating sundin ang mga alituntunin ng DOH at ng ating pamahalaan, nakapaninibago ang kapaligiran.

Nasa atin ang pagdedesisyon para sa ating kaligtasan. Hawak na natin ang mga paraan para hindi natin masagap ang salot na hindi natin nakikita.

Kung walang pakialam ang iba sa kaligtasan ng kanilang kapwa ay mahalin at pagmalasakitan natin ang ating mga sarili. Gagawin natin ang ibayong pag-iingat hindi lang para sa ating mga sarili kundi para sa mga taong sinserong nagmamahal sa atin.

Lagi nating iisipin na iisa lang ang regalong buhay sa atin ng Diyos. Nag-iisang buhay na kapag nawala na ay hindi na maaaring palitan pa.

Kahit mga bilyonaryo ay walang kapasidad na bumili ng panibagong buhay. Hindi ipinagbibili ang buhay sa mga sikat na shop, sa palengke o saan mang merkado, kaya nasa ating mga kamay ang pagpapaigsi at pagdudugtong ng mga taon ng ating buhay.

Kris walang pupwestuhan pag nagsalita sa problema ng kapamilya

Mahirap din ang kalagayan ni Kris Aquino. Kapag nananahimik siya ay gustong marinig ng bayan ang kanyang boses. Pero kapag nagsalita naman siya ay parang nabubuhayan ng loob ang mga bashers at troll sa paghagupit at pagkontra sa kanya.

Saan nga ba naman siya lulugar? Para siyang tumutulay sa alambre, konting bagay lang na masabi niya na hindi sinasang-ayunan ng iba ay agad na siyang lalatayan, mahirap ang kanyang sitwasyon.

Tuloy ay nakakatikim siya ngayon ng mga paghusgang wala namang basehan. Dahil sa kanyang pananahimik lang ay naging sentro siya ng paksa tungkol sa kawalan ng utang na loob kaugnay ng pagpapasarado ng ABS-CBN.

Dapat daw, kahit pa hindi naging maganda ang paghihiwalay nila ng istasyon, kahit paano ay magparamdam naman siya ng saloobin bilang suporta sa network na nagtiwala sa kanya.

Matalino si Kris, hindi pa man ay alam na niya kung ano ang magaganap kapag nagbigay siya ng pahayag tungkol sa pagpapasarado sa ABS-CBN, siguradong ibabaon siya nang buhay ng mga kailanman ay hindi nagkagusto sa kanya.

Meron mang sumang-ayon sa mga puntong ibibigay niya ay mas madadaig ‘yun ng mga pamba-bash, ng mga taong matagal nang naghihintay sa kanyang boses para siya balikan, hindi man manghuhula si Kris ay alam na alam niya kung ano ang mangyayari kapag nagsalita siya.

Mas maganda na ang ganyan na nanonood na lang siya sa mga nangyayari, alamin niya na lang ang pangalan ng mga gamot na dapat niyang inumin para hindi namamaga ang kanyang mukha, unahin na lang muna niya ang kanyang sarili bago ang ibang bagay.

Saka ganu’n lang naman talaga. Ang wala ang hinahanap. Kapag nand’yan na ay pagpipistahan. E, di huwag na nga lang naman siyang kumuda!

Kumaliwa siya at kumanan ay may masasabi pa rin laban sa kanya, kung ngayon ngang gumigitna siya ay meron pa rin, saan nga ba naman niya ipupuwesto ang kanyang sarili?

Pero alam namin na sa kanyang puso ay nakatanim ang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat ni Kris sa ABS-CBN. Hindi na kailangang isa-isahin pa ang mga dahilan. Maraming nagawang positibo sa kanyang career ang istasyon.

Isa lang naman ang senaryong may kapaklahan kung tutuusin. Sa pamamagitan ng kanyang inang da­ting pangulo muling nabawi ng mga Lopez ang kanilang network.

Pero ang mismong anak na bunso pa ng tumulong sa kanila ang biglang nawalan ng espasyo sa istasyon.

‘Yun lang naman.

vuukle comment

GCQ

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with