^

PSN Showbiz

Performers ng ASAP, nag-live para sa frontliners

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Performers ng ASAP, nag-live para sa frontliners
Ogie at Regine

Puro replay ang mga programang napapanood natin ngayon. Walang pamimilian ang mga networks kundi ang hanguin sa baul ang kanilang mga materyales para maipalabas habang nasa ilalim pa rin tayo ng enhanced community quarantine.

Walang taping at shooting, walang live shows, pero kailangan nilang umere pa rin dahil hindi naman nila puwedeng itiwangwang na lang basta ang kanilang istasyon.

Nabuburyong na ang mga artista, kung anu-ano na lang ang kanilang pinagkakaabalahan habang nasa bahay lang, panalung-panalo ang mga personalidad na magaling magluto dahil nagiging makabuluhan ang kanilang bawat maghapon.

Malawak ang kapasidad ng ABS-CBN, kahit nasa kani-kanilang bahay lang ang mga artista nila ay nakakapag-live pa rin dahil sa malaking tulong ng teknolohiya, tulad ng ASAP Natin ‘To na nakapagtawid ng programa na wala sila sa studio.

Simpleng-simple lang ang mga personalidad, ang iba’y humaharap sa mga camera nang wala talagang make-up, ang iba nama’y nagpulbos at lipstick lang para hindi maputla ang kanilang itsura.

Si Kim Chiu na napakagaling sumayaw ay nakita naming bigay na bigay sa pag-indak sa kanyang kuwarto. Walang mga back-up dancers si Kim, mag-isa lang siyang sayaw nang sayaw, nakakaaliw siyang panoorin.

Kitang-kita naman na bilang singer-composer ay kumpleto sa mga kagamitang pangmusika si Ogie Alcasid. Bukod sa kanyang ginagamit na piano ay may isa pang grand piano sa kanyang likuran.

Panalung-panalo rin ang kanyang mga mikropono. Mamahalin ang kanyang mga gadgets, may mga stand pa, parang puwede na ngang mag-concert sa bahay nilang mag-asawa ang Sunday show dahil sa kumpletong kagamitan ni Ogie.

Kumanta rin sina Dingdong Avanzado, Jessa Zaragoza at ang kaisa-isa nilang anak na si Jayda. Napakakinis din ng anak na manang-mana sa kanyang mommy, naka-shorts lang si Jayda na naglalantad sa mahahaba niyang biyas na puwedeng-puwedeng sumali sa beauty pageant, at panalo rin ang kanyang boses dahil may pinagmanahan naman ang magandang dalaga.

Halinhinang kumanta sina Piolo Pascual at Inigo, ganu’n din sina Erik Santos at Jed Madela, kahit naka-lockdown ang buong Luzon ay hindi apektado si Jed na walang patumangga pa ring bumirit.

Sa kanyang mansiyon din kinunan ang pagkanta ng Megastar, sinsero si Sharon Cuneta sa kanyang mensahe, sa sarili niyang paraan ay maraming tinutulungan ang singer-actress na hindi na niya kailangan pang ipagmaka­ingay.

Pinakaemosyonal para sa amin ang duet ni Sarah Geronimo at ng isang doktor, mentor at parang tatay na nito ang nagbuwis ng buhay na doktor dahil sa COVID-19, pigil na pigil ang emosyon ng kaduwetong doktor ni Mrs. Guidicelli.

Sa abot ng kanilang makakaya at pinarangalan ng ASAP Natin ‘To ang mga dakilang frontliners. Sila ang mga kababayan nating literal na nagbubuwis ng sarili nilang buhay at kaligtasan dahil sa tawag ng kanilang propesyon.

Tama sina Martin Nievera at Gary Valenciano, hindi simple ang sitwasyon ngayon ng mga doktor, nurses, care­givers at iba pang mga nagtatrabaho sa mga ospital, isang paa na nila ang nasa hukay dahil sa delikadong trabahong ginagampanan nila ngayon.

Sila ang itinuturing nating mga bayani ngayon, marami na sa kanilang hanay ang nalalagas pero lakas-loob pa rin nilang tinutupad ang kanilang tungkulin, napakadakila ng mga frontliners na sana’y patuloy nating ipagdasal para sa kanilang kaligtasan.

ECQ, hindi pa alam kung kailan matatapos

Umiiyak na ang bulsa ng ating mga kababayan. Naghihingalo na ang kanilang wallet na hindi nakahanda sa ganitong lockdown.

Napapanood namin ang pagrereklamo ng mga Pinoy na arawan lang ang kinikita pero hindi makapagtrabaho ngayon dahil sa pinaiiral ng enhanced community qua­rantine.

Wala pa namang batas ang bitukang gutom. Napakasakit nga namang makita ang kanilang mga anak na nakanganga na pero wala namang maisusubong pagkain para pangtawid-gutom.

Fake news lang ang kuwentong madudugtungan pa ang panahon ng lockdown, ayon sa mga tagapagsalita ng Palasyo, harinawang fake news nga lang ‘yun dahil nasa estado na ngayon ng depresyon ang ating mga kababayang kapos na kapos sa buhay.

Konting-konting panahon pa at mapapatid na ang pisi ng kanilang pang-unawa, mas iiral na ang pagsasalba sa pangsarili nilang interes at pangangailangan ng mga umaasa sa kanila, hindi imposibleng luma­ganap ang nakawan dahil sa taggutom.

Huwag naman sana tayong umabot sa ganu’ng katinding senaryo.

vuukle comment

OGIE AT REGINE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with