^

PSN Showbiz

Christopher hinahangaan sa pag-amin!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon
Christopher hinahangaan sa pag-amin!
Christopher De Leon

Isang malayuang pagsaludo kay Christopher de Leon sa sinsero niyang pagbibigay-alam sa publiko na meron siyang COVID-19. Nagpakatotoo ang magaling na aktor sa pag-amin na siya man ay hindi nakaligtas sa kinatatakutang sakit ngayon sa buong mundo.

Wala siyang nararamdamang anuman, asymptomatic ang naganap kay Boyet, naisipan lang niyang boluntaryong magpa-check-up dahil sa simpleng ubo.

Mas kahanga-hanga ang aktor sa panawagan sa mga kababayan-kasamahan niya sa trabaho na nagkaroon ng komunikasyon sa kanya sa loob nang dalawang linggo.

Gusto niyang maalarma rin ang mga ito para hindi sila mahawa, hindi niya gustong kumalat pa ang virus, kaya isinapubliko niya ang kanyang pahayag.

Kung ang mga kababayan nating may COVID-19 ay hindi pinapangalanan ng DOH sa kanilang pahayag, si Christopher de Leon ay nagkaroon ng katapangang sabihin sa kanyang Facebook na totoo, ipina-self quarantine na rin niya ngayon ang kanyang mag-ina at mga kasambahay.

Naaagapan ang mikrobyo, habang maaga pa ay napakalaki ng pagkakataong gumaling ang pasyente, kaya huwag nang hintaying lumala pa ang sitwasyon bago magpadala sa ospital.

Maraming talent, sapul sa lockdown

Dahil sa sobrang paghigpit sa mga pasukan at labasan sa South at North Expressway ay nagdesisyon ang marami nating kababayan na sa bahay na sila magtrabaho.

Work from home ang ginagawa nila ngayon, iniuwi nila ang mga kailangan nilang tapusing trabaho sa kani-kanilang mga tahanan, teknolohiya ang may napakalaking ginagampanang papel ngayon sa pagpapatuloy ng kanilang hanapbuhay.

Kahapon nang alas sais nang umaga ay sumailalim na sa total lockdown ang South at North Expressway, mahigpit na talaga ang pagbabawal na daanan ang highway, ang mga maaari lang dumaan ay ang mga medical staff, magrarasyon ng mga pagkain at nagtatrabaho sa bangko.

Naninirahan kami sa Valenzuela, lagusan at pasukan ng North Expressway ang aming lugar, napakatindi ng traffic! Ang mga pauwi na ng Norte ay hinaharang kapag walang naipakikitang patunay na puwedeng bigyan ng kunsiderasyon ang kanilang biyahe.

Ang mga papasok naman sa Maynila ay ganu’n din, pinipigilan din silang makapasok, kapag hindi naman mahalaga ang kanilang pakay papasok sa lunsod.

Hindi sanay ang mga Pinoy sa ganitong sitwasyon. Ang pinakahuling karanasang naaalala nila ay nu’ng panahon ng Martial Law. Maraming militar sa checkpoint at bawal ang pag-uumpukan nang maraming tao sa kahit saan.

Malungkot ang mundo ng entertainment. Walang mga live shows, walang taping, walang shooting, bilang pagsunod sa enhanced community quarantine.

Nakakahabag ang mga talent na per day lang ang tinatanggap na talent fee, no work no pay rin sila, ikinatatakot nila ang isang buwang pamamahinga ng mga network sa pagtatrabaho.

Sabi sa amin ng isang umeekstra sa mga serye at pelikula, “Hindi ko na alam ang gagawin ko ngayon, isang buwan daw itong kawalan ng taping namin, paano na kaya ang pamilya naming ume-extra lang naman?

“Mahirap sabihin sa aming mga anak na huwag na muna silang kumain, saka na lang, kapag tuloy na uli ang mga trabaho namin,” sabi nito.

Lahat ay apektado. Walang nakaliligtas sa paghihigpit ng ating pamahalaan sa taumbayan para maiwasan ang paglaganap ng pandaigdigang COVID-19.

Kailangan nating sundin ang mga alituntunin, huwag tayong magpapadala sa sobrang tensiyon at takot, lalong wala tayong mareresolba kapag ‘yun ang namamayani sa ating isip.

Ngayon natin higit na mapatutunayan ang importansiya ng pagtatabi nang kahit paunti-unting halaga mula sa ating kinikita. Meron tayong madudukot.

vuukle comment

CHRISTOPHER DE LEON

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with