^

PSN Showbiz

Aktor nagdadamot sa pamilya ng misis showbiz couple nagkakaroon ng matinding problema dahil sa pera!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Sana nga ay walang katotohanan ang mga bulung-bulungan na nagkakaroon nang matinding problema ngayon ang isang showbiz couple. Sayang naman ang mga panahong pinagsaluhan nila.

Magandang magdala ng problema ang mag-asawa, hinding-hindi ‘yun mahahalata sa kanila, pero may maitatago ba sila sa mata ng kanilang mga kaibigan?

Kuwento ng aming source, “Nahihirapan na kasi ang female personality sa paninimbang. Mahal niya ang husband niya, pero mahal na mahal din niya ang pamilya niya.

“Wala namang ibang maaasahan ang family ng girl, siya lang, pero mukhang kumokontra sa mga suportang ibinibigay niya ang mister niya.

“Spoiled daw kasi ang pamilya ng girl, kaya namang magtrabaho para kumita ang mga kapatid niya, pero mga tamad magbanat ng buto!

“Ang iniisip naman ng girl, kaya nga siya nagsisikap magtrabaho, e, kasama na du’n ang pamilya niya. Malakas naman siyang kumita, kaya ano ba naman ang barya-barya lang na ibinibigay niya sa family niya?” umpisang kuwento ng aming impormante.

Kung bukas ang mga palad ng female persona­lity ay may kahigpitan naman ang mga kamao ng mister niyang kilalang personalidad din. ‘Yun ang palagi nilang pinag-aawayan.

Patuloy ng aming impormante, “Hindi kasi parehas ang laban, e. ‘Yung male personality, e, tumutulong din naman sa pamilya niya, siya lang din naman ang inaasahan ng mga magulang at kapatid niya!

“Hindi naman kinokontra ‘yun ng girl, maluwag naman sa kalooban niya ang pagbibigay ng suporta ng husband niya sa mga in-laws niya. Pero bakit nga naman siya, e, parang gustong kontrolin ng lalaki?

“Saka mas malakas kumita ang girl kesa sa husband niya, ha? Maraming raket ang girl, hindi tulad nu’ng guy na bilang na bilang lang naman ang mga raket!” madiin pang sabi ng aming impormante.

Sa ngayon ay puwede pa rin daw namang maiwasan ang paghihiwalay ng kilalang showbiz couple, kailangan lang maging malawak ang isip ng male personality, huwag lang itong maging maramot.

“Nakakaloka, ha? Ang girl ang work nang work, kung anu-ano na ngang negosyo ang pinapasok niya, pero binabantayan pa ng male personality ang kinikita niya? Unfair!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Mga Pinoy sa China, hindi na nakakapag-trabaho nagkukulong na lang sa kuwarto

Matinding kinatatakutan ng ating mga kababayan ngayon ang paglaganap ng coronavirus na nag-ugat sa Wuhan, China. Wala pa namang kumpirmadong apektado ng sakit dito sa atin pero ang nerbiyos at pag-aalala ay hindi natin maiaalis.

May mga anak-anakan kaming musikero na ­ilang taon nang tumutugtog sa mga bar sa Hainan, China, sina Jojo at Lesly Grace Advincula, na palaging nakatutok sa Cristy Ferminute at Take It, Per Minute... Me Ganu’n.

May ilang araw na silang hindi nagtatrabaho ngayon, nagkaroon ng lockdown sa palibot ng kanilang lugar, dahil hindi kalayuan sa kanila ang Wuhan na pinaniniwalaang pinagmulan ng nakamamatay na coronavirus.

“Nanay, nasa kuwarto lang po kami ngayon, hindi kami nakapagtatrabaho, mas safe kasi kung nandito lang kami sa bahay. Dasal po ang kailangan namin, sana’y huwag nang lumaganap pa ang coronavirus,” text sa amin ni Lesly Grace.

Pagluluksa kay Kobe, walang katapusan

Kasisimula pa lang ng taong kasalukuyan ay napakarami nang nagaganap na ikinalulungkot ng buong bayan. Ang pagsabog ng bulkang Taal, ang coronavirus, at ang pandaigdigang kalungkutang nararam­daman ngayon dahil sa pagpanaw ng basketball legend na si Kobe Bryant.

Napakasakit ng trahedyang ito para kay Vanessa, misis ni Kobe, dahil hindi lang ang asawa nito ang nawala sa kanya kundi pati ang kanilang anak na si Gianna na kung tawagin nito ay Mambasita.

Hanggang ngayon ay hindi namin lubos maisip kung ano ang pinag­daanan ng mag-ama habang pabulusok ang sinasakyan nilang chopper. Napakatindi nu’n para imadyinin, pero siguradong nagyakap ang mag-ama habang hinihintay ang kanilang kapalaran, kung ano ang sinabi nila sa isa’t isa ay malalaman kapag inilabas na ng mga imbestigador ang laman ng black box ng helicopter.

Naalala naming bigla sina Col. Jude Estrada, Willie Revillame at Gerald Sibayan na nagpapalipad din ng chopper. Sikorsky ang gamit ni Kobe Bryant na pinaniniwalaang matibay kahit sa bagyo pero dahil lang sa laganap na fog sa Calabasas area ay bumigay at nag-crash.

Sabi nga, kapag takdang oras na nating ibalik ang hiram nating buhay ay nagi­ging dahilan na lang ang lahat ng mga nagaganap, talagang oras na ng pagpanaw ng NBA legend at ng kanyang anak na si Gigi at iba pa nilang mga kasamang namaa­lam din sa chopper crash.

“Heroes come and go but legends never die,” pagbibigay-tribute ng mga tagahanga ng pambato ng koponang LA Lakers sa buong mundo, paalam kay Black Mamba.

vuukle comment

WUHAN CHINA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with