^

PSN Showbiz

Male personality nahihirapang i-handle ang ‘malaking’ pangalan!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Sa isang coffee shop ay nagkita-kita ang mga magkakatropang nagseserbisyo sa iba-ibang network. Dati silang magkakasama sa isang istasyon lang na ngayo’y nagkawatak-watak na.

Marami silang pinagkuwentuhan, may kani-kanyang karanasan kasi sila sa mga personalidad ng pinaglingkuran nilang network, nakatrabaho nila du’n ang isang male personality na kung tawagin nila’y power tripper.

Bakit power tripper ang bansag nila sa lalaking personalidad, nagmamalabis ba siya sa linya ng kanyang trabaho, feeling ba ng male personality na ito ay siya na ang may-ari ng network na pinagseserbisyuhan niya?

Kuwento ng isang miron sa umpukan, “Hindi siya ganyan nu’ng unang dating niya sa network. Susukot-sukot lang siya, simple lang, parang wala lang! Pero nu’ng medyo umaangat na ang programa, nu’ng palagi nang panalo sa rating, aba, nagbago na siya!

“Para kasing nalula siya sa ibinibigay na attention sa kanya, kasi nga, sino ba naman kasi siya dati, puro maliliit na projects lang naman ang ginagawa niya, di ba?

“E, na-culture shock siguro siya, biglang laki ng name niya, hindi niya kinayang i-handle ‘yun, kaya biglang lumobo na ang ulo niya!” sabi ng unang source.

Hindi maitatago ang reklamo ng mga kapwa artista ng bumibidang male personality, hindi lang nagsasalita ang mga ito, dahil kapag nalaman ‘yun ng aktor ay siguradong mabubura na sila sa mapa ng serye.

Isang impormante naman sa umpukan ang nagsabi, “Siya talaga ang hari sa programang ‘yun! Aalis siya kung kailan niya gusto, babalik siya kapag okey na siya. Nakatengga tuloy ang lahat sa set, kasama na ang mga veteran stars na nangangailangan ng pahinga.

“Paranoid siya, sobra! Ayaw niyang may nakikitang nagkukuwentuhan kahit break naman nila! Ayaw niyang may magkakaumpukan, natatakot siguro siya na baka siya ang topic ng grupo, kaya siya ganu’n!

“Marami siyang gustong ipagawa sa programa na hindi naman puwede, kapag nagpapaliwanag ang mga scriptwriters, e, kinokontra niya! Di sana, siya na rin ang magsulat ng kuwento, para isahan na lang!

“Siya na ang bida, siya pa ang direktor, siya pa rin ang scriptwriter! Kung ‘yun ang ikaliligaya niya, e, di ganu’n na ang gawin niya, pakyawin na niya ang lahat ng positions sa set!

“Ang nagagawa nga naman ng kasikatan, ang nagagawa nga naman ng salapi! Pero isang araw, e, mawawala rin naman siya, ano ba ang akala niya sa sarili niya, imortal siya?

“Baka ang akala niya sa sarili niya, e, mangyayari rin sa tunay na buhay ang pagbibida niya na pinagbabaril na, pero hindi pa rin siya namamatay!” napapailing na pagtatapos ng isang miron sa umpukan.

Ubos!

John Lloyd hindi nakatiis sa ‘bisyo’ na walang rehab!

Nabuhayan na ng loob ang mga loyalista ni John Lloyd Cruz. Ramdam na rin nila ang pag-asa na isang araw ay gugulatin na lang sila ng magaling na aktor dahil balik na pala siya sa paggawa ng pelikula.

Mas natuwa ang kanyang mga tagahanga dahil nagpalit na ng display picture ang kanilang idolo sa Facebook, isang mukhang malinis na JLC na ang nandu’n, wala nang mahabang bigo­te at balbas na akala mo ermitanyo ang itsura.

Nakakuwentuhan naming nu’ng minsan ang ilang direktor na naniniwalang isang araw ay balik-showbiz na uli si Lloydie. Ang lokal na aliwan nga naman ay isang bisyong mahirap talikuran.

‘Yun ang dahilan kung bakit meron pa ring mga beteranong artistang puwede nang magpahinga na lang pero mas pinili pa rin nilang umarte at gumawa ng mga pelikula at lumabas sa mga serye.

Sabi ng isang direktor, “Ito ang bisyong walang rehab. Ito ang klase ng bisyong hindi mo talaga maitatakwil. Kapag naging artista ka, magpahinga ka man nang matagal na panahon, e, hahanap-hanapin mo pa rin ang pag-arte at pagharap sa mga camera.

“’Yan din ang nakikita ko kay John Lloyd, nagpahinga lang siya, dumarating kasi ang pagka-burnout sa mga artista. Gusto niya lang matikman ang normal na buhay, pero one day, nand’yan na siya uli,” sabi ni direk.

At mukhang malapit na nga ang hinihintay na pagbabalik ng magaling na aktor, hindi man nila kinukumpirma ay may ginagawa na silang proyekto ni Bea Alonzo, ang original partner niya sa matatagumpay na pelikula.

Markado sa amin ang sinabi ni direk, ito ang bisyong walang rehab, hahanap-hanapin ng artista ang amoy ng showbiz magpahinga man siya nang matagal na panahon.

vuukle comment

STARSTRUCK

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with