^

PSN Showbiz

Sikat na aktres na umaapaw sa kagandahan, nakakahiya ang ginagawang pagbabantay sa dyowa!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Sa biglang tingin ay wala nang kulang sa buhay ng isang pamosong aktres. Kung ganda ang pag-uusapan ay bulag na lang ang magsasabing hindi siya maganda.

Lutang na lutang ang kanyang kagandahan. Isama mo man siya sa maraming tao ay siya pa rin ang unang-unang mapapansin. Hindi man siya aktibo sa paggawa ng pelikula ay nagkakaroon naman siya ng mga programa sa TV.

Pero sa kabila ng kagandahang ‘yun ng female personality ay malakas pa rin ang nararamdaman niyang insecurity. Minemenos niya ang kanyang kapasidad, wala siyang tiwala sa kanyang sarili, kaya wala rin siyang katahimikan ng kalooban.

Kuwento ng aming source, “Actually, wala naman siyang dapat intindihin dahil napakatotoo sa kanya ng special guy sa buhay niya. Hindi na nga ‘yun tumitingin sa iba. Sa kanya na lang nakasentro ang buhay nu’ng male personality.

“Pero hindi pa rin siya mapakali. Kapag may partner na ibang artista ang guy, e, naging ugali na niya ang magbantay sa set. True, hindi siya nahihiya, ano nga ba ang dahilan at madalas siyang nasa set ng serye ng special guy sa buhay niya?” umpisang kuwento ng aming impormante.

Marami na siyang inaway na artista, hindi kalimut-limot ang mga ginawa niyang pagkumpronta sa mga babaeng nakakatrabaho ng male personality, pero hanggang ngayon pala ay ganu’n pa rin siya.

“Talagang kapos na kapos siya sa tiwala sa sarili niya. Sa ganda niyang ‘yun, iisipin pa irn niyang ipagpapalit siya sa iba ng lalaking mahal na mahal niya?

“Sa part ng lalaki, e, nakakahiya ang ganu’n, ha? Masuwerte siya dahil isang mabait at maunawaing lalaki ang natagpuan niya.

“Kung ibang guy lang ‘yun, e, baka iniwan na siya, baka naghanap na ‘yun ng iba, dahil hindi niya pinagkakatiwalaan. Nakakahiya ang ganu’n na habang working ang guy, e, nandu’n din siya.

“True, apektado na naman siya dahil baka super-close na ang special someone niya at ang ka-partner na magandang actress. Pero naman! Sa tagal na ba naman ng panahong together sila, e, ganyan pa rin siya?

“Tantanan na kasi ang pagbabantay. Huwag na niyang hintaying makaisip ng kalokohan ang lalaki dahil buntot siya nang buntot! Aaaaawwww!!!!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Bong naiiyak sa natatanggap na suporta

Kung ang gagawing barometro sa muling pag-upo bilang senador ni Bong Revilla ay ang mahihigpit na yakap at suportang tinatanggap niya mula sa ating mga kababayan sa buong bansa ay siguradong wala nang kuwestiyon ang hinaharap niyang laban ngayon.

May dahilan para maluha ang dating senador sa napakasarap na pagtanggap sa kanya kahit saan. Hindi nabawasan ang kanyang karisma, hindi lumuwag ang mga yakap na dati niyang natitikman, kung ‘yun ang magiging batayan sa muli niyang pagkandidato ay tapos na ang laban.

Hindi nga naman kasi biro-biro lang ang halos limang taon na ninakaw kay dating Senador Bong na nasayang lang sa loob ng kulungan. Limang taon ng pagtitiis na nagkaroon naman ng positibong sorpresa dahil pinawalang-bisa siya ng Sandiganbayan.

Pero napakaganda ng laman ng kanyang puso sa kabila ng lahat, “Napatawad ko na ang mga taong nagdiin sa akin sa isang kasalanang hindi ko kailanman ginawa. Hindi sila sa akin dapat humingi ng tawad, sa Diyos sila dapat humingi, dahil tao lang ako.”

Maganda na ang kanyang numero ngayon sa survey, hindi pa natatagalan ang kanyang pag-iikot para magpasalamat sa mga kababayan nating hindi nagdadamot ng tiwala sa kanya, pero napakarami na niyang nilampasan.

Sana nga ay muling pagbigyan ng mga Pinoy ang kagustuhan ng aktor-pulitiko na muling maluklok sa Senado para maipagpatuloy niya ang kanyang mga pangarap para sa kanyang mga nasasakupan.

Markado ang kanyang panukalang-batas na ibaba sa 55 years old sa halip na sisenta ang edad ng mga senior citizens para mas maaga nilang matikman ang mga benepisyong itinatakda ng ating pamahalaan.

Positibo si dating Senador Bong Revilla na minsan pa siyang reregaluhan ng boto ng ating mga kababayan. Para siyang sundalong habang sinusugatan ay lalong nag-iipon ng lakas para lumaban.

vuukle comment

BONG REVILLA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with