^

PSN Showbiz

Young Actress na parang poste na ng industriya ang pakiramdam, nakatikim ng sermon sa mga bossing

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Siguro naman ay magtatanda na ngayon ang isang young actress na kinuyog ng mga hindi nagkakagusto sa kanyang ugali. Naglabasan ang mga nagpapatotoo sa kanyang ugali na hindi pa nga bumibida ay akala mo na kung sino’ng sikat na sikat kung pumorma.

May nagawa ba ang kanyang kamalditahan? May maganda bang ibinunga ang kanyang kaangasan? Kung bakit naman kasi wala pa ngang napatutunayan ay akala mo na kung sino’ng poste ng industriya kung makapagmaldita.

Kuwento ng isang source, “Maganda ‘yun! Mas maaga niyang natikman ang masasakit na salitang nararapat sa isang tulad niya, e, mas maganda! May leksiyon na siguro siyang natutuhan ngayon!

“Maldita talaga ang babaeng ‘yun! Kahit ang mga kasamahan niya, e, hindi type ang ugali niya. Ano kaya ang feeling niya, sikat na sikat na siya, e, kaibigan nga lang siya ng bida sa mga ginagawa niyang proyekto?

“Paano na kung siya mismo ang bida, paano na, ‘di mas maldita pa siya? E, kung ganyan nga na hindi pa man, e, umaasta na siyang sikat, ano pa ang mangyayari kapag bumibida na siya?” inis na kuwento ng aming source.

Nu’ng minsang mapasama ang young actress na ito sa isang provincial show ay nagpalutang siya ng hindi kagandahang ugali. Nag-inarte na naman siya, nagmaldita, ayaw niyang bumaba ng sasakyan.

“Du’n na lang daw siya maghihintay, du’n na siya kakain at mag-aayos ng sarili niya dahil napakalaki ng magiging konsumo sa gasolina ng van kapag umaandar nang dahil lang sa kanya, pero talagang deadma lang siya!

“Pagod na pagod daw siya sa biyahe, pahinga raw ang gusto niya, ayaw niyang makipagkuwentuhan sa mga co-stars niya. Nagpantig ang tenga ng sinagot niya ng ganu’n, kaya ano ang napala niya?

“Ang sabi sa kanya ng namamahala sa kanila, ‘Ikaw lang ang napagod sa biyahe? Ikaw lang ang na­ngangailangan ng pahinga?’ Nakarating sa management ang pagmamaldita niya, nakatikim siya ng pa­ngaral ng mga bossing nila.

“Ibang klase talaga ang babaeng ‘yun, sobrang feelingera siya, palagi siyang hinihintay para makapagsimula ang take dahil napakatagal niyang lumabas sa dressing room!

“At nakasimangot pa ang hitad kapag lumalabas na! Siya pa ang parang galit dahil inaapura raw siya ng production! Ano siya ngayon, nanalo ba ang kamalditahan niya?

“Naku, ‘no! Hindi bagay sa kanya ang name niya, ang dapat niyang pangalan, e, hopia, dahil palagi siyang hoping na sikat na siya kaya siya nagmamaldita ng ganyan!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

John walang maisagot sa mga sumbong ni Mylene

Lumabas ang kuwento na pinuntahan ni John Estrada ang kaibigan niyang si Willie Revillame sa taping ng Wowowin nu’ng isang linggo. Maaaring nagkumustahan nga sila dahil matagal na silang hindi nagkikita pero mas marami ang naniniwala na may mas malalim na dahilan ang pagbisita ni John kay Willie.

Ganu’n naman palagi ang papel na gina­gampanan ni Willie sa kanyang mga kaibigan, ito ang nagiging tulay sa kahit anong dahilan, trabaho man ang kailangan ng lumalapit sa kanya o pampinansiyal.

Hindi na maidedenay ni John ang naganap sa set ng The Good Son sa pagitan nila ni Mylene Dizon. Mahirap ipagkaila ang isang senaryong maraming nakasaksi at suportado pa ng mismong formal complaint na ipinadala ni Mylene sa mga tagapamuno ng network.

‘Yun ang magsasalita, hindi ang mga kuwento-kuwento lang na naglalabasan tungkol sa naganap, ang mismong sumbong ng aktres sa mga ehekutibo ng istasyon ang magpapatunay na hindi basta imbento lang ang senaryo sa pagitan nila ni John Estrada.

At dahil itinuturing na poste ngayon ng GMA 7 si Willie ay hindi malayong isipin ng marami na nagpapalakad si John sa actor-TV host para magkaroon siya ng proyekto sa istasyon.

Parang Kris Aquino lang ang peg ni John, lumapit din nu’n ang aktres-TV host kay Willie para makaentra ito sa GMA 7, pero wala namang nangyari dahil aminado si Willie na hindi naman kanya ang network para magdesisyon.

Siguradong handang tulungan ni Willie ang kanyang kaibigan, pero walang kakambal na pangako ‘yun, ang mga ehekutibo pa rin ng nework ang magbibigay ng go signal kung puwedeng magtrabaho sa kanila si John.

Hanggang sa rekomendasyon lang ang magagawa ni Willie pero ang huling pagdedesisyon ay nakaangkla pa rin sa mga bossing ng istasyon.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with