Pacquiao uunahin ang pagpapakondisyon
MANILA, Philippines - Kagaya ng kanyang nakaugalian, gagawin muna ni Manny Pacquiao ang pagpapakondisyon bago sumabak sa maaksyong sparring session.
“Ibig sabihin, ihahanda lang muna namin si boss para pagdating ni coach Freddie (Roach) kaya na niya ng mabibigat na routine,” sabi ni assistant trainer Buboy Fernandez kay Pacquiao sa report ng Philboxing.com.
“Besides, magbabago na namang bigla ang buhay ni boss,” dagdag pa ng kababata ng Filipino world eight-division champion.
Sisimulan ni Pacquiao ang kanyang nine-week training sa Elorde Gym sa Mall of Asia complex sa Pasay City bilang preparasyon sa kanilang upakan ni Australian challenger Jeff Horn.
“Balik-ensayo, balik-boksing at siyempre excited na makaamoy na naman ng gym, makapagsuot ng boxing glove, sumuntok sa heavy bag, double end at speed ball,” wika ni Pacquiao na naging abala sa kanyang trabaho sa Senado.
Itataya ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs) ang kanyang hawak na World Boxing Organization welterweight title laban kay Horn (16-0-1, 11 KOs) sa Hulyo 2 sa 55,000-seater Suncorp Stadium sa Brisbane.
Ito ang unang laban ni Pacquiao matapos dominahin si Jessie Vargas via unanimous decision para agawin sa Mexican ang bitbit nitong WBO title noong Nobyembre.
- Latest