^

PSN Showbiz

Kris at Pacman nakipagsiksikan sa MRT

- Veronica R. Samio - Pilipino Star Ngayon

Habang ang Quezon City ay binabayo ng malakas na ulan nung Martes na nagdulot ng baha kahit sa mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA kung kaya minarapat ng maraming commuters  na  umiwas sa napakabigat na traffic at baha para marating ng mas madali ang kanilang pupuntahan sa pamamagitan ng  pagsakay ng MRT.

Dalawang kilalang personalidad ang umagaw ng pansin ng maraming sumasakay ng MRT dahil nga kilala sila at kasama nila ang mga security staff nila. Sila ang Queen of All Media na si Kris Aquino na galing Makati at patungong Mandaluyong  pero inabot na ng dalawang oras ay hindi pa nakakarating sa kanyang pupuntahan. Kaya nagpasyang mag-iba ng mode of transportation at MRT ang napili niya. Patungong ABS-CBN naman ang Pambansang Kamao at Kongresistang si Manny Pacquiao para sa isang religious meeting. Para hindi masyadong mahuli sa kanyang pupuntahan, nag-MRT na rin ito.

Hindi naman nakaiwas sa mapanuring mga mata ng mga  nagsisiksikang pasahero ang dalawang popular na personalidad na dahil sa kanilang katayuan ay binigyan pa ng puwang ng kanilang mga nakasabay para hindi naman sila masyadong maipit sa kanilang pagkakatayo. 

Isa ‘yung okasyon na  walang narinig na reklamo sa mga sumasakay ng MRT dahil kung sina Kris at Manny nga ay nagtiyagang makipagsiksikan at tumayo, bakit naman hindi sila?

Concert ni Daniel napansin ng Star Award

Excited na naman ang mga fans at baka maging si Daniel Padilla rin dahil nominado ang kanyang Daniel Padilla Live! concert na ginanap sa Araneta Coliseum kamakailan. Malaking tagumpay ‘yun na maituturing ng batang Kapamilya dahil pinuno niya ang venue ng walang kahirap-hirap at ipinamalaas din niya ang isa pang talento na nag-aakyat sa kanya sa rurok ng tagumpay. Pito pa ang makakalaban niya sa nasabing kategorya.

Ang PMPC Star Awards for Music ay magaganap sa Ballroom ng Solaire Resort and Casino, Pasay City sa October 13, 2013. Mapapanood ito sa Sunday’s Best ng ABS-CBN, 11:00 ng gabi, sa October 20. Pagkakalooban ng Parangal for Lifetime Achievement in Music si Freddie Aguilar samantalang pito ang itatanghal na Icons of Original Filipino Music, sina Dulce, Imelda Papin, Sampaguita, Rey Valera, Rico J. Puno, at Vic Sotto.

Dion nabigla sa ginawang kasamaan

Tapos na ang taping ng Maghihintay Pa Rin na nagtatampok kina Rafael Rosell, Bianca King, at Dion Ignacio. First time ni Dion na sumubok maging kontrabida at parang binigla naman siya ng network dahil all out mean ang character na ginagampanan niya. Kinailangan ni Dion na talagang mag-effort para lumabas na salbahe na hinihingi ng kanyang role. Inamin niyang nahirapan siya, pero nananalig na naibigay naman niya ang hinihingi sa kanya. Kung dati ay panay pagbati ng tao ang tinatanggap niya kapag namamasyal siya, ngayon, pansin niya na may nagagalit na rin sa kanya at nagbibigay ng peace sign sa kanya sabay sabing huwag naman siyang masyadong bad. Natatawa na lang siya, pero nangakong kakarihin na niya talaga ang pagiging kontrabida next time na ganito uling role ibigay sa kanya.

Samantala, maraming viewers ng MPR ang di­sappointed dahil hindi natuloy sa tunay na buhay ang romansa nina Rafael at Bianca. Hindi yata umubra ang pagpapa-cute ni Rafael sa ex ng kanyang Bro na si Dennis Trillo na ibinigay pa sa kanya ang blessing nito kung sakaling gusto niyang ligawan ang aktres.

Divina Valencia biglaan ang ‘pagkawala!’

Marami ang nakidalamhati sa biglang pagpanaw ng character na ginagampanan ni Divina Valencia sa Be Careful With My Heart. Nagrereklamo ang maraming viewers ng morning series dahil wala man lang daw pahimakas na mawawala ito sa serye bagaman at sa istorya ay kasalukuyang ginagamot ang alta presyon nito. Kung inaakala nilang hindi matutuloy ang pagkawala ng beteranang aktres, sa FB account nito ay kinumpirma na niya ang kanyang pagkawala. Nagpaalam na siya sa lahat niyang nakasamang artista at production staff. Bakit kaya siya biglang natsugi? Nagkaroon kaya siya ng problema? Gustong malaman ng lahat ng manonood ng serye dahil Kapamilya sila at may karapatan daw silang malaman ang real score sa pagkamatay ni “Mamang.”

 

vuukle comment

ARANETA COLISEUM

BE CAREFUL WITH MY HEART

DAHIL

DION

DIVINA VALENCIA

NAMAN

NIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with