^

PSN Showbiz

Crispy pata, ang malutong na success story ni Rod Ongpauco

KWENTONG SHOWBIZ - Ernie Pecho -
Sa tuwing umaakyat kami ng Baguio, di kami pumapalya ng pagkain sa Barrio Fiesta doon. Kasi bukod sa masasarap na putahe ng restaurant ni Rod Ongpauco, nakatutuwa pang magpa-pictorial sa mga estatwang lifesize ng mga dating Pangulo ng bansang sina Cory Aquino, Fidel Ramos at Joseph Estrada. Nanduon din ang rebulto nina Cardinal Jaime Sin at Johnny Enrile.

Kaya’t pagkatapos ng masaganang tanghalian o hapunan, enjoy sa pagpapakuha ng litrato sa mga kilalang pulitiko na para bang kasama ng personal. Pati nga mga sikyo may istatwa din doon at meron pang higanteng rebulto ng isang Igorot warrior.

Landmark na talaga at dayuhin ng mga local at foreign tourists sa Baguio ang Barrio Fiesta.

Paborito naming kanin doon ang ginataang, kuhol, kare, adobong baka at siyempre crispy pata. Di ba’t sa crispy pata nagsimula ang success story ni Rod Ongpauco at ng kanyang restaurant chain?

Kuwento nga sa amin ng kanyang kaibigan at matagal ng kabarkadang si Oskee Fidelino, mga teenager pa sila ng maisipang tipong mag-experiment sa pagluluto si Rod habang nagkakasiyahan sila sa Ongpauco residence sa Kalookan sa may Edsa na malapit sa Bagong Barrio. Doon din naitayo ang unang Barrio Fiesta.

Inilaga ni Rod ang isang pata, sinangkapan ng mga kailangang rekado at nang lumambot ay malasa na, deep frying ang ginawa sa pata. Lumalabas ngang malutong ito at masarap na, halos pati mga buto raw ay sinimot ng buong barkada.

Dahil nagustuhan ng buong tropa ang kauna-unahang crispy pata, nag-suggest si Rod sa kanyang mama na ang yumaong si Gng. Chita Ongpauco, na isama na sa mga putaheng dulot sa Barrio Fiesta ang bagong concoction ng dating movie actor.

Salamat sa crispy pata at lalong naging popular ang kanilang negosyo at lalo pang tinangkilik ng ating mga kababayan at pati na ng mga dayuhan.

Ang konting puhunan ay lumago nang hanggang nagkaroon ng maraming branches ang Barrio Fiesta at nagkaroon pa sila ng ibang popular na kainan tulad ng Bakahan at Manukan, Ihaw-Ihaw-Kalde-kaldero.

Sa kanilang sariling movie company noon na Everlasting Pictures ay nakagawa rin ng ilang pelikula si Rod. Ang pinaka-memorable at naging hit na pinagbidahan niya ay ang Sigue-Sigue vs. OXO, kung saan isang kondenado siya at nakatakdang mamatay sa silya elektrika.

Hindi naman dapat pagtakhan kung bakit malapit ang suwerte kay Rod. Likas ang kanyang pagkamatulungin o pagka-pilantropo. Marami siyang nabigyan ng tulong na talaga namang walang publisidad na siyang gusto niya.

Natatandaan pa nga ni Oskee na sa tuwing may nadadaanang burol ng patay sa mga depressed areas si Rod ay hihintong bigla ang sasakyan. Ilalabas ang kanyang check book at agad magbibigay ng P10,000 bilang tulong sa mga naulila.

Sa mga kaibigan o kahit kilala lang ay bukas din ang palad ni Rod. Minsan ay nagkasakit ng malubha ang isang kaibigan at mangangailangan ng operasyon, nagkusa siyang sagutin ang lahat ng gastos sa operasyon. Kahit mahigit isang milyon aabot, sagot pa rin niya. Hindi naman natuloy ang operasyon pero mahigit na P150,000 pa rin ang ginugol ng mapagkawanggawa.

Ang Welcome Rotonda pala sa pagpasok ng E. Rodriguez (dating España Extension) at Quezon Avenue, Quezon City ay si Rod din ang nagpaayos at nagpaganda ng husto.

Muling na-involved sa showbiz si Rod dahil sa kanyang tinatag na grupong Singing Cooks and Waiters, na isa na namang innovation sa entertainment sa kanyang mga restaurant. Tunay na mga kusinero at serbidor/serbidora ang mga nagbibigay aliw sa mga customers nila. Nagkaroon pa nga sila ng mga recordings na ini-release sa cassettes at CDs.

Sa mga kabutihang nagawa ni Rod, kahit siguro ilang araw kaming magkwentuhan ng aking kapitbahay na si Oskee, hindi matatapos. Buti naman at mayroon pa tayong tulad ni Rod Ongpauco sa ating bansa. Ang masasabi ko lang, he deserves all the success he is reaping.
* * *
Magsisimula na this Sunday, 2:30 p.m. sa Channel 7 ang bagong palabas na Kahit Kailan. Bida dito sina Roxanne Barcelo, James Blanco, Rita Avila, Gina Pareño, Ricardo Cepeda at marami pang iba, sa direksyon ni Ruel Bayani.

vuukle comment

ANG WELCOME ROTONDA

BAGONG BARRIO

BARRIO FIESTA

CHITA ONGPAUCO

CORY AQUINO

EVERLASTING PICTURES

ROD

ROD ONGPAUCO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with