EDITORYAL - Huwag ­magmakaawa sa Kuwait

HINDI kinababakasan ng liwanag kung itutuloy pa ng Kuwait ang kinanselang pag-iisyu ng visa sa mga manggagawang Pilipino. Nagmamatigas pa rin sila at ayon sa balita, malabo nang mag-isyu pa ng visa sa mga Pilipno workers. Sinuspende ng Kuwait ang pagbibigay ng visa noong Mayo 10 dahil lumabag daw ang Pilipinas sa bilateral agreement na nilagdaan noong 2018. Kabilang daw sa nilabag ng Pilipinas ay ang pagtatayo ng shelters para sa mga OFW na minaltrato.

Ura-urada ang Kuwait sa ginawang pagsuspende sa pag-iisyu ng visa para sa Pinoy workers kaya maraming nasorpresa. Ang mga dumating sa Kuwait, isang araw makaraang iisyu ng Kuwait Ministry of Interior ang kautusan ang labis na naapektuhan sapagkat hindi na sila pinababa ng eroplano at pinabalik na agad sa Pilipinas. Para bang nakagawa nang malaking kasalanan ang mga Pinoy kaya hindi na pinatuntong sa Kuwait. Sabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW), walang nilalabag ang pamahalaan ng Pilipinas.

Sa pagsuspende sa visa, mahigit 800 Pinoys na paalis na sana ang naapektuhan. Ang iba ay nakaimpake na sa nakatakdang paglipad pero hindi na matutupad dahil sa ginawa ng Kuwait. Nasa 3,000 aplikante naman umano ang nai-process na ang papeles nang i-hold ang visa suspension.

Noong nakaraang Pebrero sinuspende ng Pilipinas ang pagpapadala ng mga bagong household workers sa Kuwait dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Jullebee Ranara. Natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto. Ang 17-anyos na amo nito ang gumahasa at pumatay kay Ranara. Bukod kay Ranara, pinatay din sa Kuwait sina Joanna Demafelis, Constancia Dayag at Jeanelyn Villavende. Karumal-dumal ang ginawa kay Demafelis noong 2018 na makaraang patayin ng amo ay inilagay ang bangkay sa freezer.

Nagmamatigas na umano ang Kuwait at maaring hindi na mag-isyu ng visa sa mga Pinoy. Pero sabi ni President Ferdinand Marcos Jr., patuloy ang pakiki­pag-usap ng gobyerno para mabalik ang pagbibigay ng visa sa Pilipino workers. Baka raw magbago ang sitwasyon at makaalis ang mga manggagawa.

Mas mabuti pa kung hindi na aasa na magbabago pa ang pasya ng Kuwait sa nasabing problema. Huwag din namang magmamakaawa. Kung ayaw na ng Kuwait sa mga Pinoy, e di huwag. Ihanap ng ibang bansa ang manggagawa. Hindi lang Kuwait ang tatanggap sa mga Pinoy marami pa at baka mas maganda pa ang trato.

Show comments