Pagbabantay sa mga lansangan, paigtingin!  

BAKA dapat pang paigtingin ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ang pagsawata sa mga nagkalat na loose firearms na nagagamit sa mga nagaganap na krimen sa kapuluan.

Kung kailangan sigurong ibalik ang mga checkpoint sa mga istratihikong lugar, siguro dapat itong gawin para malabanan ang mga ilegal na pagbibitbit o pagdadala ng armas ng kahit sino na lamang.

Gamit na naman ang mga armas na ito sa mga lumalang krimen.

Gaya na lang ng nangyari sa Tanza, Cavite ng barilin ng dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo ang sumita sa kanilang traffic enforcer.

Nagkaroon ng sagutan sa magkabilang panig nang maglabas ng baril ang isa sa tandem kung saan binaril ang tumutupad lang sa tungkulin na enforcer.

Kahapon sumuko na ang dalawang suspect.

Sa Navotas naman, lulan din sa motorsiklo ang mga suspect na rumatrat sa isang bahay doon kung saan apat katao ang nasawi.

Nakakalusot din ang mga de-armas na kawatan at kriminal sa pagsasagawa ng iba’t ibang ilegal na aktibidades.

Alarming ang ganito, lalo na nga at nalalapit na rin ang gaganaping Brgy. at Sangguniang Kabataan (SK) elections.

Kung kalat ang mga ilegal na armas na malayang nadadala ng mga indibiduwal sa lansangan, hindi talaga malayo na tumindi ang nagaganap na krimen.

Dapat rin na mapalakas ang police visibility na tila lumalamya sa kasalukuyan.

Baka kasi nagsisiksikan ang mga kapulisan sa opisina o tanggapan at kulang ang nakakalat sa labas o sa lansangan, kaya ang dumadami eh mga elementong kriminal.

Show comments