Manang Rose (44)

“MAGKASABAY kayong umuwi ni Gino, Eliz?’’ tanong ni Manang Rose nang makapasok sa banyo si Gino para maligo.

“Opo Manang.’’

“Bakit siya nabasa at ikaw ay hindi?’’

“Pinasusukob ko po siya sa payong pero maliligo raw siya sa ulan. Maganda raw gamot sa bungang-araw ang ulan.’’

Napailing-iling at saka napangiti si Manang.

“Si Gino talaga maraming nalalamang kakaiba.’’

“Oo nga Manang. Sabi ko nga ay baka siya magkasakit sa paliligo pero patuloy pa rin.’’

“Paano naman kayo nagkasabay sa pag-uwi? Ngayon lang kayo nagkasabay ano?’’

“Opo. Ako po ang nag-suggest na magsabay kami. Sabi nga niya magtraysikel kami pero sabi ko maglakad na lang kami at malapit lang naman itong bahay natin at isa pa, makulimlim.’’

“Bakit mo naman naisipan na magsabay kayo ni Gino?’’

Hindi sumagot si Eliz at napatitig lang kay Manang Rose.

Nahulaan ni Manang Rose ang pagtitig ng ampon.

“Sinabi mo sa kay Gino ang ipinagtapat mo sa akin ano?”

“Opo.’’

“Akala ko sa akin mo lang sasabihin.’’

“Naisip ko po magandang malaman din ni Gino. Malawak kasi ang pang-unawa niya.’’

“Anong reaksiyon niya sa problema mo?’’

“Sabi niya, kung siya raw ang nasa kalagayan ko, magagalit din siya—kung ano raw yung nararamdaman ko, ganundin ang sa kanya.’’

“Nakikisimpatya siya sa’yo.’’

“Opo.’’

“Anong nararamdaman mo ngayon?’’

“Medyo nabawasan po ang bigat na nararamdaman ko. Kasi kailangan po talaga na sabihin ang problema sa kaibigan para mabawasan ang dalahin.’’ (Itutuloy)

Show comments