Manang Rose (43)

“IKAW Gino, kung sa iyo nangyari ang nangyari sa akin, anong gagawin mo?’’ tanong ni Eliz. Sabay silang naglalakad. Tigil na ang ulan. Malapit na sila sa bahay.

Hindi agad nakasagot si Gino. Hindi niya alam ang isasagot. Mahirap na tanong.

“Kung ang nanay mo ay nag-asawa at ang napangasawa ay mas bata at walang trabaho, anong iisipin mo?’’

“Magagalit ako—tulad nang nararamdaman mo. Hindi maganda ang ginawa.”

Tumigil sa paglalakad si Eliz.

“O ba’t ka tumigil?’’

“Wala.’’

Tumitig si Eliz kay Gino.

“Bakit?” tanong ni Gino.

“Magkatulad pala tayo ng nadarama sa ginawang hindi maganda.’’

“Oo. Sino naman ang matutuwa sa ganun.’’

“Sabi ni Manang, kakausapin daw si Mama dahil dun. Pero naisip ko, huwag na sana. Hindi na lang ako pupunta sa amin. Kaya lang…’’

“Kaya lang ay ano?’’

“Paano ang mga kapatid ko?’’

“Yun nga lang.’’

Napabuntunghininga si Eliz.

“Tanungin mo uli si Manang, Eliz.’’

Tumango si Eliz.

Dumating sila sa bahay.

Nagtaka si Manang Rose nang makitang basambasa si Gino.

“Bakit basambasa ka Gino?’’

“Naligo ako sa ulan, Manang.’’

“Deretso ka nang maligo at baka ka magkasakit. Punta ka sa banyo.’’

Nagtungo sa banyo si Gino.

Naiwan sina Eliz at Manang.

(Itutuloy)

Show comments