Aso, nakatanggap ng diploma sa isang graduation ceremony!

Isang unibersidad sa New Jersey, U.S. ang nagbigay ng honorary diploma sa isang service dog!

Sa apat na taon na ­pagkokolehiyo ni Grace Mariani lagi niyang kasama ang service dog na si Justin sa lahat ng kanyang mga klase upang siya’y alalayan nito sa kanyang kapansanan.

Kaya nang makapagtapos si Mariani bilang magna cum laude sa kursong BS Education, nagpasya ang Seton Hall University na bigyan ang aso nito na si Justin ng honorary diploma bilang parangal sa araw-araw na pagsama sa mga klase ng kanyang amo.

Naganap ang graduation ceremony sa Prudential Center sa Newark, New Jersey. Malalakas na hiyawan at pa­lakpakan ang natanggap ni Mariani matapos ibigay ng university president na si Joseph Nyre ang kanyang diploma.

Pero mas naging maingay ang mga tao sa arena nang tanggapin ni Justin gamit ang kanyang bibig ang honorary diploma.

Ayon sa Seton Hall University, nakatuwaan nilang bigyan ng diploma ang 6-year-old na yellow Lab and golden retriever mix na si Justin dahil hindi ito umabsent ni isang beses sa mga klase ni Mariani.

Sa panayam sa amo nitong si Mariani, gagamitin niya ang kanyang degree sa elementary education at special education. Dagdag pa niya, lagi pa rin niyang isasama sa kanyang pagtuturo si Justin.

Show comments