EDITORYAL - Pagbaha ng drug ­money sa bgy elections, tutukan

Marami nang kandidato sa pagka-barangay chairman at Sangguniang Kabataan ang nagpaparamdam sa nalalapit na election na gaganapin sa Oktubre. May nagpaparamdam na sa pamamagitan nang pagkakabit ng kanilang posters sa mga pader. May mga bumabati ng “happy fiesta” at iba pa. May mga streamer na ikinakabit at nakasaad ang kanilang pangalan.

Tulad nang idinaraos na local at national elections, batbat din ng kaguluhan ang barangay at SK elections. May mga nangyayaring pagpatay sa kalaban. Mayroong mga kandidato na may private army. Mas magulo pa kung tutuusin ang pagdaraos ng barangay elections.

Ang idaraos na barangay elections ay malaking hamon kay Philippine National Police (PNP) chief General Benjamin Acorda Jr. Masusubok siya sa nalalapit na election kung gaano siya kahusay humawak ng responsibilidad. Itinalaga sa puwesto si Acorda noong Abril 24 nang magretiro si PNP chief Rodolfo Azurin Jr.

Isa sa mga nararapat at mahalagang tutukan ni Acorda ay ang pagkalat ng drug money sa nalalapit na barangay elections. Tiyak na ngayon pa lang ay gumagapang na ang galamay ng drug syndicate para ang mailagay nila sa puwesto ay kaalyado nila. Kung kaalyado nila ang mapupuwesto sa barangay, malaya nilang magagawa ang anuman para magtagumpay ang drug trade sa barangay. Kung kaalyado ang chairman, lahat nang naisin nila ay magagawa sa barangay.

Tiyak na babaha ang drug money para masiguro ang panalo ng mga kandidato sa nalalapit na election. Ang pagkilos ni Acorda ukol sa drug money sa barangay election ay nararapat nang simulan. Alamin na ng PNP ang mga hot spots na barangay na laganap ang droga. Hindi lamang sa Metro Manila laganap ang illegal drugs particular ang shabu kundi sa mga liblib na barangay man.

Simulan nang manmanan ang mga barangay chairman na nakikipagkutsabahan sa drug syndicates. Ayon sa PNP tukoy na nila ang mga barangay chairman na may link sa drug syndicates. Manmanan nila ang galaw ng mga ito.

Gawin ng PNP ang lahat nang paraan para maging maayos at matiwasay ang barangay at SK election. Higit sa lahat, hindi dapat mabahiran ng perang nanggaling sa illegal na droga ang election. Wasakin ang mga nagpapakalat ng droga sa mga barangay.

Show comments