^

Punto Mo

Ang kinaduduwagan ng mga Hapones

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

(Kuwento ng isang lola sa mga nangyari noong panahon ng Hapon.)

WALONG taon ako nang magsimula ang World War II. Sa probinsiya, lahat ng mga taga-bayan ay nagsisilipat sa bukid para doon manirahan at magtago sa kalupitan ng mga Hapones. Sa bayan nagtatayo ng kampo ang mga Hapones. Takot silang pumunta sa mga liblib na baryo. Hindi nila kabisado ang pasikut-sikot ng kabukiran kaya malaki ang tsansa na salakayin sila ng mga gerilya nang walang kalaban-laban.

Sa paglipat namin sa aming bahay sa bukid, sobrang napagod ang aking lola na may sakit sa puso. Bigla na lang siyang natumba at binawian ng buhay. Isama pa sa pagod ang pag-aalala ni Lola kung paano kami mamumuhay sa gitna ng digmaan. Isang araw lang namin siyang pinaglamayan at kaagad na inilibing sa pampublikong sementeryo sa kabayanan.

Habang tumatagal, natututo nang pumunta sa bukid ang mga sakang. May mga Pilipino kasi na ganid sa pera at nagpapabayad sa mga sakang na maging escort or guide patungo sa bukid kung saan naglipatan ang taga-bayan.

Isang araw, sinalakay ng mga Hapones ang aming baryo. Ang aking lolo ang kapitan del baryo kaya siya ang hinanap ng pinuno ng mga sundalo.

Ang aking ama at tiyo ay agad nagtago sa pinakasukal ng bukid. Ang aking mga tiyang dalaga ay pinagsuot ng pantalon at nagpahid ng uling sa kanilang katawan at mukha para magmukhang marungis, mabaho at pangit. Kaming mga bata ay inutusang umupo lang sa isang tabi at pinagbawalang maglikot.

Umaga nang mabalitaan naming hinahanap si Lolo pero gabi na nang dumating ang mga ito. Malayo pa ay naririnig na namin ang yabag ng mga sundalo. Kahulan ang mga aso sa paligid. Naghintay si Lolo. Lumipas ang isang oras, walang sundalong pumasok sa aming bakuran. Hanggang kinabukasan, walang Hapones na nagpakita sa amin. Bakit hindi sila tumuloy sa aming bahay?

Ito ang nangyari ayon sa kapitbahay nila na dinaanan ng mga sundalong Hapones: Mga ilang hakbang na raw mula sa aming bakuran, may kung anong bagay ang ikinagulat ng buong tropa. Nasa sampung Hapones daw ang sasalakay sana sa aming bahay kasama ang dalawang Pilipinong “guide”. Pero napatigil ang mga ito bago pumasok sa loob ng aming bakuran. Nagsigawan daw ang mga sundalo. Iyong sigaw nang natatakot. Naunawaan lang ng kapitbahay na multo ang ikinatakot dahil napahiyaw daw ang isang Pilipinong guide ng “Multooo!”. Kumalat ang nangyari kaya napag-alaman namin na white lady ang nakita ng tropa na nakalutang daw sa puno ng saging.

Napaluha si Lolo. Malakas ang hinala niya na multo ni Lola ang nagpakita. Hanggang sa kabilang buhay ay pinuprotektahan pa rin kami. Walang history na may nagmumulto sa aming kapaligiran. First time lang ng gabing iyon. Napag-alaman ni Lolo na may pamahiin pala ang mga Japanese na ang multo ay nagdudulot ng kamalasan sa mga sundalo lalo na sa panahon ng digmaan. Omen daw iyon na matatalo sila sa labanan. Kaya ganoon na lang ang takot nila matapos makita ang multo ni Lola.

vuukle comment

WORLD WAR II

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with