^

Punto Mo

EDITORYAL - Masamang dulot ng vape sa kalusugan

Pang-masa
EDITORYAL - Masamang dulot ng vape sa kalusugan

SA kabila ng mga panawagan nang paraming sector na pigilan ang pagsasabatas ng Vaporized Nicotine and Non Nicotine Products Regulation Act (Senate Bill No. 2239) na lalong kilala bilang Vape Bill, nanaig pa rin ang mga nagsulong nito. Kahapon, kinumpirma ng Malacañang ang pagsasabatas nito sa sulat na pinadala sa Kongreso. Ayon sa Malacañang nag-lapsed na ang Vape Bill at naging isa nang batas ayon sa tinatadhana ng Article VI Sec. 27 ng Constitution.

Hindi pinakinggan ang health advocates at iba pang grupo sa panawagan na walang maidudulot na kabutihan sa kalusugan ang paggamit ng vape lalo na sa mga kabataan. Ang paggamit ng vape ay lalong magbabaon sa bisyong paninigarilyo sa halip na makaiwas dito.

Nang ipasa ang Vape Bill noong nakaraang taon, maraming health advocates ang nangamba. Sinabi ng mga doktor na tulad ng sigarilyo, mapanganib ang paggamit ng vape dahil nagko-cause ito ng lung cancer.  Ayon sa mga pag-aaral, ang vape ay may sangkap na chemicals na gaya ng nicotine, propylene glycol, carbonyls at carbon monoxide na nagiging dahilan para ma-addict ang gumagamit.

Mariing sinabi ng Department of Health (DOH) na ang pagkakapasa ng Vape Bill ay kumukontra sa pinu-promote ng pamahalaan na mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Ayon sa DOH, nagtagumpay na anila ang bansa sa pagkontrol sa tabako pero nagkakandarapa naman para isulong ang paggamit ng vape.

Ang masama sa panukalang batas, binabaan ang edad ng mga kabataan na makabibili at makagagamit ng vape. Mula 21-anyos, ginawang 18-anyos ang puwedeng bumili. Ang hakbang ay malinaw na paghikayat sa mga kabataan na magbisyo sa halip na turuan na umiwas dito.

May nabiktima na ng vape noong 2018. Isang 16-anyos na babae sa Visayas ang nagkasakit sa baga makaraang makalanghap ng second hand smoke mula sa vape. Ayon  sa report, nalanghap ito ng babae sa mga kasama sa bahay na gumagamit ng vape.

Hindi lamang ang mga doktor ang tutol sa Vape Bill kundi maging ang Department of Education (DepEd). Ayon sa  DepEd, nararapat protektahan ang mga kabataan sa bis­yong ito. Huwag hikayatin ang mga kabataan na gumamit ng vape upang makaligtas sila sa pagkakasakit. Mahigit 40 medical groups ang tutol sa kontrobersiyal na Vape Bill.

Ngayong legal na ang paggamit ng vape, imonitor ng mga magulang ang kanilang mga anak upang hindi sila mahikayat na gumamit nito. Ipaliwanag ang masamang dulot nito sa kalusugan.

vuukle comment

VAPE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with