^

Punto Mo

Sino ang maaring habulin kung hindi alam ang driver ng nambanggang sasakyan?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Tinakbuhan po ako ng nakabanggaan ko. Buti na lang at nakuha ko ang plate number ng sasakyan kaya puwede ko pang ma-trace ang may-ari nito. May habol pa rin ba ako kung hindi ko alam ang pangalan ng mismong driver ng sasakyang bumangga sa kotse ko? —Mike

Dear Mike,

Sa ilalim ng Article 2176 at Article 2180 ng Civil Code ay ang rehistradong may-ari ang siyang mananagot sa anumang pinsala na idinulot ng kanyang sasakyan.  Sa ilalim ng Article 2176, mananagot ang sinumang magdulot ng pinsala dulot ng kanyang mga aksyon o kapaba­yaan. Nakasaad naman sa Article 2180 na ang pananagutan na binabanggit sa ilalim ng Article 2176 ay maari ring magbunga hindi lamang mula sa pansariling aksyon o kapabayaan ng isang indibidwal kundi pati na rin sa aksyon o kapabayaan ng mga nasa ilalim ng kanyang responsibilidad katulad ng  mga empleyado.

Paano naman kung hindi mo alam kung empleyado ba ng may-ari ng sasakyan ang nagmamaneho? Ayon sa kaso ng Filcar vs Espinas (G.R. No. 174156, June 20, 2012) ay ipagpapalagay ng batas na empleyado ng registered owner ang taong nagmamaneho ng sasakyan nang maaksidente ito.

Ipinaliwanag ng Korte Suprema sa nasabing kaso kung bakit ang rehistradong may-ari ang mananagot sa anumang pinsala na idinulot ng kanyang sasakyan, siya man ang nagmamaneho nito sa oras ng aksidente o hindi.

Ang pangunahing layunin kasi ng pagpaparehistro ng ating mga sasakyan ay upang matukoy kaagad kung sino ang kailangang managot sakaling may mangyaring aksidente. Ang madalas kasing nangyayari, katulad ng naging sitwasyon mo, ay hindi na matukoy kung sino ang aktwal na nagmamaneho ng sasakyan kapag nasangkot ito sa aksidente kaya hindi na alam ng biktima kung sino ang hahabulin. Upang maprotektahan ang karapatan ng mga biktima ng aksidente, minabuti na ng batas na iatang sa rehistradong may-ari ng sasakyan ang pananagutan sa anumang pinsalang idinulot nito, sinuman ang may hawak ng manibela nang mangyari ang aksidente.

Kaya sa sitwasyon mo, maari mong habulin ang registered owner ng sasakyan, siya man ang nagmamaneho nang nakabangaan nito ang kotse mo o hindi. Hindi naman lubos na kawawa ang pobreng registered owner ng sasakyan na walang kaalam-alam sa aksidente dahil may karapatan naman siyang habulin ang nagmamaneho ng kanyang sasakyan para sa anumang pinanagutan niya dahil sa aksidente.

vuukle comment

DRIVER

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with