^

Punto Mo

Hanapin si Bonifacio sa kandidato

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MASAKIT na katotohanan ang sinabi sa akin ng isang Vietnamese. Sabi niya, “Ang problema sa inyong mga Pilipino, kulang kayo sa pagmamahal sa inyong bansa.” Gusto kong makipagtalo, pero naisip ko, may saligan ang kanyang obserbasyon. Ang mga mamamayan ng mauunlad na bansang kapitbahay natin, tulad ng Japan, Vietnam, Hong Kong, Singapore, Taiwan, Malaysia at South Korea, ay may isang common denominator—mahal at ipinagmamalaki nila ang kanilang bansa.

May malaking kaugnayan ang nasyonalismo sa katatagan at kaunlaran ng isang bansa.  Kung nais nating mahanay sa mauunlad na bansa sa Asya, isang bagay ang kailangang gawin natin bilang mga Pilipino, ang mahalin ang ating bansa. Ang modelo o huwaran natin ng pagmamahal sa bansa ay walang iba kundi si Andres Bonifacio, ang Ama ng Himagsikang Pilipino.

Itinatag ni Bonifacio ang Katipunan na sa kabila ng kakulangan ng armas ay lumaban sa mga mananakop na Kastila upang bawiin ang kasarinlan at maitatag ang Republika ng Pilipinas. May mga mananalaysay na itinuturing si Bonifacio na kauna-unahang Presidente ng Pilipinas dahil sa itinayo niyang republika matapos mag-alsa sa Spain.

Hindi nakatapos ng mataas na pag-aaral si Bonifacio na tulad ni Jose Rizal na isang doktor, ngunit ang kakulangan niya sa pag-aaral ay binawi niya sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga aklat tungkol sa pulitika, ekonomiya, kasaysayan, pilosopiya, at iba pa. Walang tinapos, ngunit may pinag-aralan. Maraming tao ang may tinapos, pero walang pinag-aralan.

Para kay Bonifacio, kailangang mahalin natin ang ating bansa, pangalawa sa Diyos. Sabi niya sa kanyang tula, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.”

Dahil sa nag-aapoy na pag-ibig sa bansa, hindi nangimi si Bonifacio na labanan ang Spain na noon ay superpower. Tabak lamang ang kanyang hawak kontra sa baril at kanyon ng mga sundalong Kastila, ngunit hindi siya natakot, sapagkat higit na makapangyarihan ang pagmamahal niya sa bansa kaysa kanyang takot.

Kailangan natin ngayon ang lider na tulad ni Bonifacio, na hindi pasisindak sa mga superpower na tulad ng China at US, na hindi magsusuko sa banyaga ng kahit na isang dangkal ng teritoryo ng Pilipinas, na hindi magsasabing wala siyang magagawa sa harap ng paninikil ng isang makapangyarihang bansa.

Kung magkakaroon ang Pilipinas ng lider na ang pagmamahal sa bansa ay tulad ng kay Andres Bonifacio, sisilang ang mga Pilipino na may maalab na pagmamahal sa Pilipinas.  Ito ang magiging susi sa ating pagbangon bilang bansang karapat-dapat sa paggalang ng iba pang bansa sa daigdig.

Pag-aralan mong mabuti ang background ng gusto mong iboto bilang presidente. Ano ang mga katunayan na talagang mahal niya ang Pilipinas?  Mayroon ba siyang malalim na pagkaunawa sa ating kasaysayan bilang isang bansa? Maaari ba niyang katawanin ang pinakamagandang katangian ng isang Pilipino na maka-Diyos, maka-bayan at maka-kalikasan?

Hanapin mo sa iyong iboboto si Bonifacio. Bumoto ka bilang Pilipinong tunay na nagmamahal sa Pilipinas. Bumoto ka ayon sa dikta ng iyong konsensiya at hindi dahil sa dikta ng pera, o ng survey, o ng rehiyonalismo.  Bumoto ka na parang ito na ang huli mong pagboto.  Tulungan ka nawa ng Diyos!

vuukle comment

ANDRES BONIFACIO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with