^

Punto Mo

Digital na kampanya sa eleksyon sasagad

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

HINDI maikakailang naging malaki rin ang papel ng social media sa nagdaang mga eleksyon. Kabilang ito sa mga platapormang ginamit ng mga kandidato sa kanilang kampanya bagaman wala pang mga seryosong pag-aaral kung paano nakakaimpluwensiya o kung nakakaimpluwensiya nga ba ang social media sa pagdedesisyon ng mga botante sa pagpili ng kandidatong kanilang ihahalal sa lokal man o pambansang halalan o gaano kalaki ang naging tulong nito sa mga nanalo sa eleksyon.

Nangalahati na ang 2021 at hindi pa tayo nakakabalik sa dating normal na pamumuhay noong bago nanalanta ang COVID-19. Ano ang magiging implikasyon nito sa halalan sa susunod na taon at sa magiging takbo ng kampanya ng mga kakandidato? Sinasabi ng ilang mga eksperto na, kahit meron nang herd immunity, kailangan pa rin ang mga kinauukulang pag-iingat tulad ng social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield at pagkontrol sa pagtitipon ng maraming tao hangga’t hindi ganap na napipigilan ang pagkalat ng virus ng COVID-19.

Kaya hindi na nakagugulat kung sakaling isagad nang husto ng mga kandidato paggamit sa social media sa kanilang kampanya para sa darating na eleksyon. Kailangan din nilang mara-ting ang milyun-milyong Pilipinong gumagamit ng social media tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at maging sa Youtube. Magiging isa itong digital na kampanya na hindi maiiwasan sa panahon ng pandemya.

At meron na silang dagdag na katwiran sa kanilang magiging digital na kampanya bukod sa personal pero inaasahang limitadong pagharap sa mga botante. Ayon sa Digital 2021 Study ng We Are Social and Hootsuite na isang marketing firm at social media management platform, patuloy na nangunguna sa buong mundo ang mga Pilipino sa mahabang oras na paggugol sa social media.

Sinasabi sa survey na lumabas noong Enero ng taong ito na ang mga Pilipino ay gumagamit o nagbubukas ng social media sa average na apat na oras at 15 minuto kada araw. Mas mataas ito nang 22 minuto kumpara sa tatlong oras at 53 minutong average ng Pilipinas sa digital 2020 survey. Nangunguna rin ang mga Pilipino sa pagbababad nang maraming oras sa social media noong 2019. Sinasabi sa naturang survey na ang average na paggamit ng social media sa buong mundo ay dalawang oras at 25 minuto.

Isinasaad pa sa survey na, kahit mabagal at madalas na may mahinang signal ang internet sa Pilipinas, nangunguna naman ito sa haba ng oras ng pagbababad sa internet na umaabot sa average na 10 oras at 56 minuto. Ang average na paggamit ng internet sa buong mundo ay anim na oras at 54 na minuto.

Sa survey naman ng Social Weather Station noong Disyembre 2019 o bago pumutok ang pandemya, halos kalahati ng mga Filipino adult sa buong bansa ang gumagamit ng internet. Lumalabas din na 98 porsiyento o 29.4 milyong Pilipino ang merong account sa Facebook. Pumapangalawa naman bilang popular application ang YouTube sa mga respondent sa naturang survey.

Pero, sa paggamit ng social media para sa kampanya sa eleksyon, nariyan din ang panganib sa pagkalat ng mga fake news at sa mga tinatawag na troll na may bisyong manira, magmura, manlait at magbanta ng masasama sa mga hindi umaayon sa kanilang mga paniniwala. Nangyari na ito sa eleksyon noong 2016 kaya kailangan ang ibayong pag-iingat sa social media.

-oooooo-

Email: [email protected]

vuukle comment

ELECTION

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with