^

Punto Mo

Manggang hilaw at bagoong

DIKLAP - Annabelle O. Buenviaje - Pang-masa

MAY panahon sa aming buhay na mas madalas kaming kapos sa pera kaysa sobra. Kaya kapag namamalengke ako, bawat sentimo na nakalagay sa aking wallet ay “strictly” for pang-ulam at bigas lamang. Ang pagkaing gustung-gusto ko at nagpapa-excite sa bawat himaymay ng aking laman ay manggang hilaw na isinasawsaw sa maalat-alat at manamis-namis na bagoong. Ito ang paborito kong kainin kahit hindi ako naglilihi. Sa isang pobre at kasyang-kasya lang ang pera na pambili ng ulam at bigas, ang mangga at bagoong ay nagiging “luxury” sa akin.

Pagtungo ko sa palengke, ang una kong nadadaanan sa sidewalk ay ang tindero ng manggang hilaw kung saan ang paninda niya ay nakalagay sa balagwit. Ito ay dalawang basket na nakasabit sa magkabilang dulo ng mahabang kawayan. Sa gitna ng mga mangga ay nakadispley ang transparent na plastic garapon na naglalaman ng deep red bagoong. Gaano man ako kaha-ling sa mangga at bagoong, hindi ko ito puwedeng unahing bilhin. Noon pa man ay mahal na ang kada piraso ng mangga lalo na kung hindi summer season. Kaya ang desisyon ko ay bibili lang ako pagkatapos mamalengke kung  may masobra sa aking budget.

Pagkatapos kong mamili at suwerteng may natirang pera na pambili ng isang pirasong mangga, bilis-bilis akong naglalakad sa kinaroroonan ng nagtitinda ng mangga, only to find out, na wala na si Manong magmamangga. Naalaala ko pa ang pakiramdam na ‘yun. May hapdi sa puso. Parang may langgam na ngumangatngat ng pinong-pino sa kaibuturan ng aking puso. Hindi ako madrama pero hindi ko mapigilang magdrama sa aking sarili. Bigla akong naawa sa aking kalagayan. Isang piraso lang ng mangga ay hindi ko pa makayang bilhin nang ora mismo. Talagang dukhang-dukha!

Ngayon ay nabawasan na ang pagkahaling ko sa mangga at bagoong pero tuwing mapapadako ako sa fruit section ng pamilihan, una kong dinadampot ay manggang hilaw. Pero pagdating sa bahay, nakakalimutan ko itong kainin hanggang sa mahinog. Kaya kadalasan ay hinog ko na itong kinakain. Siguro, pulos “tamis” na kasi ang nararanasan ko sa aking buhay kaya nagsawa na ako sa maaasim na pagkain.

Lagi akong nag-iipon ng P20 peso bill sa aking wallet. Tuwing dadaan kami sa kalsadang iyon kung saan makikita ang mga drayber ng jeepney na namamalimos, ito ang aking ipinamimigay. Maliit na halaga pero alam kong makakatulong kahit paano. Alam ko ang pakiramdam ng walang-wala. ‘Yung may gustung-gusto kang kainin pero di mo mabili. Hanggang ngayon kapag naaalala ko, natatawa akong naluluha.

“You can only understand people if you feel them in yourself.” – John Steinbeck

vuukle comment

LIFE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with