Hindi ako susuko (103)
KAHIT nang nasa inuupahan na niyang kuwarto si Reagan ay ang babae pa rin na gustong bumili ng “Sir Abe” painting ang nasa isip niya. Ngayon lang siya nakarinig na may tao palang sa kagustuhang mabili ang painting ay babayaran kahit magkano. Sabi ng bossing niya, sabihin lang daw ang gustong presyo ng painting at babayaran. Sobrang yaman siguro ng babae. Hindi mag-aalok nang malaking halaga ang isang tao kung wala siyang sobra-sobrang pera. Nakahiga siguro sa salapi ang babaing ‘yun, naisip pa ni Reagan.
Maaaring art enthusiast ang babae, naisip din ni Reagan. Lahat nang mga art work o painting na para sa kanya ay kakaiba ay bibilhin para sa kanyang koleksiyon.
Napailing-iling pagkatapos si Reagan. Ganun ba talaga kaganda ang “Sir Abe” painting at gustong bilhin?
Sa tingin naman ni Reagan ay hindi ganun kaganda ang “Sir Abe”. Ang kakaiba lang sa painting na ‘yun ay ang ginamit niyang medium sa pagguhit – katas ng prutas.
At ang isa pang kakaiba ay nakatagong kuwento sa likod ng “Sir Abe”. ‘Yun lang at wala nang iba.
Kaya lubhang nakapagtataka kung bakit gustung-gustong bilhin ng babae ang painting. Pero sabi ng kanyang bossing, no way niyang ipagbili ang painting sapagkat may hatid na suwerte sa buhay niya.
Nakatulugan ni Reagan ang pag-iisip ukol sa “Sir Abe”.
ISANG araw, busy sa kanyang ginagawang design ng isang sikat na kompanya si Reagan nang lapitan siya ng sekyu.
“Sir Reagan, mayroon ka pong bisita sa lobby. Paakyatin ko na po ba?’’
“Sige.’’
Nag-isip si Reagan.
Sino kaya ang bisita niya?
Wala siyang inaasahang bisita.
(Itutuloy)
- Latest