Bilangin ang grasya
MAG-ASAWA silang pinagkalooban ng dalawang anak. Ang panganay ay nalunod nang tumaob ang bangka nitong sinasakyan patungo sa island resort na pinagtatrabahuhan nito.
Nalungkot man ang mag-asawa ay pilit nilang binigyan ng konsolasyon ang kanilang sarili sa ideyang: may isa pa silang anak.
Maganda ang relasyon nilang mag-asawa. Hindi dapat bilangin ang nawala; bagkus, bigyang importansiya ang natira.
Pero dalawang taon pagkaraan ng pagkamatay ng panganay ay naaksidente ang bunso. Habang naghihintay ito ng sasakyan ay may jeep na nawalan ng preno at sa malas ay sa murang katawan nito sumalpok ang sasakyan.
Pagkaraan ng ilang buwan ay tila bumalik na muli ang sigla ng mag-asawa. Mabilis silang naka-recover. May hindi nakatiis na magtanong.
“Ano ang inyong ginawa upang malampasan ninyo ang depresyon dulot ng sunud-sunod na trahedya?”
“Pinaniwalaan namin ang sinabi ng pari noong funeral mass ng aming bunso — Anuman ang mangyari, lagi naming tandaan na mahal kami ng Diyos. Kahit may kinukuha Siya, mayroon pa rin Siyang itinitira upang maging maganda pa rin ang takbo ng aming buhay.
At naisip naming mag-asawa na may katotohanan ang bagay na ito. Nawala man ang aming mga anak, heto pa rin kaming mag-asawa at magkatulong na lumalaban sa buhay. We can’t imagine kung ano ang mangyayari… kung isa lang sa amin ang matitirang buhay. Kaya masuwerte pa rin kami.”
“Count your blessings instead of your crosses. Count your gains instead of your losses. Count your joys instead of your woes. Count your friends instead of your foes”. –Author Unknown,
- Latest