Hindi ako susuko (21)
HABANG nakaupo at naghihintay si Reagan na tawagin ni Sir Abe para kumain, napansin niya ang portrait ng babae na nakasabit sa wall.
Nilapitan niya.
Napangiti siya dahil iyon ang ginawa niyang portrait – misis ni Sir Abe. Hindi niya makilala dahil naka-frame na ito. Maganda ang frame.
At isa pa, wala siyang pirma sa portrait. Hindi na niya napirmahan dahil sa isip niya, hindi pa naman siya propesyunal na painter. Sa isip niya, ang naglalagay lamang ng pirma sa artwork ay mga propesyunal o mga may pangalan na sa larangan ng pagguhit.
Pinagmasdan niya ang portrait. Lumalaki palang tingnan ang painting kapag naka-frame. At mamahaling tingnan.
At napansin niya habang tumatagal pala ang ginamit niyang katas ng duhat sa drawing paper ay lalong tumitingkad ang kulay. Lalong lu-malabas ang kapinuhan sa papel. Pantay na pantay ang effect.
Saan kaya ilalagay ni Sir Abe ang bagong gawa niyang wedding portrait? Maaaring dito rin sa tabi ng portrait ng kanyang misis. Siguradong maganda rin kapag naka-frame ang wedding portrait.
Nasa ganoon siyang sitwasyon nang lumapit si Sir Abe.
‘‘Halika na Reagan at kumain na tayo,’’ anyaya ng matanda.
“Maganda po itong portrait ni Mam, Sir Abe.’’
‘‘Oo! Mahusay kang gumawa e!’’
“Maganda po ang frame kaya gumanda.’’
‘‘Maganda talaga ang pagkakatirada mo Reagan. Kaya lang may napansin ako.’’
“Ano po yun, Sir Abe?’’
“Wala kang pirma?’’
“Oo nga po. Kasi po hindi pa ako propesyunal – wala pang pangalan.’’
“Aba e talo mo pa nga ang propesyunal! Kaila-ngang mapirmahan mo yan. Malay mo pagdating ng araw e maging collectors item yan, paano malalaman kung sino ang artist na gumawa. Wala kang katibayan. Kaya mamaya pagkatapos nating kumain e lagdaan mo.’’
Napangiti si Reagan.
‘‘Halika, kumain na muna tayo.’’
Nagtungo sila sa dining area. (Itutuloy)
- Latest