^

Punto Mo

Ituring natin ang ating salita na sagradong pangako

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

SA pagpapatalsik ng Kamara kay Representative Alan Peter Cayetano at paghahalal kay Representative Lord Allan Velasco bilang bagong House Speaker, lumutang ang isang katangiang mahalaga sa bawat disenteng lipunan, ang palabra de honor o word of honor, ang usapang lalaki o gentleman’s agreement, isang katangiang naging tatak ng mga sinaunang lider at bayani ng ating lahi. Ang katangiang ito’y nagbibigay ng napakataas na pagpapahalaga sa ating salita bilang sagradong pangako. 

Noong nakaraang taon, sa harap mismo ni Presidente Duterte, nagkasundo ang dalawang mambabatas na maghahati sila sa termino ng pagiging House speaker—unang uupo si Alan Peter at susunod si Lord Allan. Panahon na ng pag-upo ni Lord Allan ngayong Oktubre, pero nagtalo-sira si Alan Peter at ayaw nang igalang ang napagkasunduan. Naalala ko ang ginawang pagtataksil ni Peter kay Lord, pero sa bandang huli, si Lord ang nagtagumpay.  Tila naulit ang kasaysayan sa dalawang mambabatas.

May kapangyarihan ang bawat salitang binibigkas natin. Sabi sa Kawikaan 18:20-21, “Anumang sabihin ng tao ay kanyang pananagutan, ayon sa kanyang salita, siya’y gagantimpalaan. Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay, makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.” Ang totoo, sinabi mismo ni Hesus na tayo’y hahatulan ayon sa ating salita. Ganito ang sabi Niya sa Mateo 12:36-37, “Sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. Pawawalang-sala ka, o parurusahan, batay sa iyong mga salita.”

Ang salita ng tao, lalo na kung ito’y salita ng pangako sa isang kasunduan, ay kumakatawan sa kanyang integridad bilang nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Kaya naman, hindi natin dapat ipinapangako ang anumang bagay na wala tayong intensyong tuparin. Napakahalaga ng kalinisan ng intensyon. Ang isang kahulugan ng integridad ay ang pagbibitiw at pagsasakatuparan ng mga makabuluhang pangako.

Walang puwang sa disenteng lipunan ang sinabi ng American journalist na si Henry Louis Mencken na, “Ang mga pangako ay binibitiwan upang sirain at ang mga kasinungalingan ay ginagawa upang itago.” Para sa isang marangal na tao, bawat salita’y sagradong pangako na dapat tuparin nang walang pasubali.

Nawa’y ito na ang panahon na ang mga miyembro ng Kongreso na binubuo ng Kamara at ng Senado ay maging karapat-dapat sa tawag na Honorable o Kagalang-galang na ang ibig sabihin ay tapat, mabuti, malinis, makatwiran, makatotohanan, may dignidad. Sana’y wala nang sinumang magsasabi na ang mga nasa Kongreso ay “Kagulang-gulang” o ang mga Representatives ay “Representathieves.”

Sa ilalim ng pamamahala ni Lord Allan sa Kamara, pangarap at dalangin ko na nawa lahat ng Representatives, kapag nangangako sa bayan ay mangako, hindi kay Allan o kay Presidente, kundi kay Lord, upang tumugon sa sinasabi sa Bilang 30:1-2, “Ito ang utos ni Yahweh, kung kayo’y mayroong panata kay Yahweh, huwag kayong sisira sa inyong pangako. Kailangang tuparin ninyo ang bawat salitang binitiwan ninyo.”

Para ito sa ating lahat, hindi lamang para sa mga Kongresista at Senador, ituring natin ang ating salita na sagradong pangako, laging ang “oo” natin ay maging oo at hindi depende. Wika ni Hesus, “Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.”

vuukle comment

LORD ALLAN VELASCO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with