^

Punto Mo

Kulang tayo sa disiplina bilang isang bansa

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NANG pansamantalang buksan sa publiko ang bahagi ng 500-metrong artipisyal na white sand beach sa Manila Bay, dumagsa ang napakaraming tao, nakalimutan ang social distancing, na para bang hindi totoong may COVID-19 pandemic. Isang kinapanayam na may hawak pa ng litrato ni Presidente Duterte ang masayang-masayang nagsabi na isa itong maagang pamasko sa isang mahirap na katulad niya na ngayon ay mayroon nang pamamasyalan na isang magandang beach.

Masaya nga naman, pero sa ilalim ng pang-ibabaw na kasayahang ito’y lumitaw ang problema sa uri ng pamamahala rito sa atin at sa takbo ng isip ng karaniwang Pilipino. Bawal ngayon ang mass gathering at dapat ay laging sinusunod ang mga health protocols. Kaya nga ipinagbabawal ang maramihang pagsamba sa loob ng mga simbahan. May katwiran naman sapagkat tayo na ang may pinakamalaking bilang ng COVID-19 cases sa buong Asya.

Pero ang tanong, bakit hindi pare-pareho ang paghihigpit? Naalala ko ang nangyari sa pitong nagprotestang jeepney driver na hinuli’t ikinulong dahil sa diumano’y paglabag sa social distan-cing at mass gathering. Iyon ay pito lamang, ang sumugod sa beach ng Manila Bay at nag-usyoso sa mga foot bridges sa harapan nito’y daan-daan, pero walang hinuli.  Kung ang pumunta kaya roon ay isang grupo ng mga nagpoprotesta sa anti-terror law, wala rin kayang huhulihin?

Ayon sa balita, sinibak sa tungkulin ang hepe ng Ermita police station dahil hindi siya nakapagpatupad ng safety at health protocols.  Kung siya’y sinibak, hindi ba dapat ding sibakin ang mga opisyales ng DENR na nagpahintulot sa publiko na saksihan ang pansamantalang pagbubukas ng white sand beach? O maging si Mayor Moreno na namuno sa mga nagbunyi?  Okey lang na maging mahigpit basta’t consistent at pantay-pantay ang pagpapatupad ng batas.

Ano ang naisakatuparan ng pangyayaring ito? Ang malinaw ay ang pansamantalang kaaliwan ng daan-daang taong dumagsa roon. Pero ano ang maaaring ibunga? Ang isa’y ang pagdagdag sa COVID-19 cases.  Ipagpalagay na isa lang sa daan-daang naroroon ang carrier ng virus, ang mahahawahan niya ay posibleng makahawa naman ng isang pamilya o isang barangay. Paano kung 10, o 20 o 30 sila? Sa pamamahala, ang dapat laging sinusukat ay ang mas malalim at pangmatagalang benepisyo. Ang hinahanap ay ang ugat ng problema; ang sinusulusyunan ay hindi ang mga sintomas lamang, kundi ang mismong sakit.

Ang daang-daang sumugod sa Manila Bay ay kumakatawan sa ating mga Pilipino.  Tila hindi pa bumababa sa ating consciousness ang panganib ng COVID-19. Tayo ang may pinakamahabang lockdown o quarantine sa buong mundo, pero nangunguna na tayo sa dami ng kaso sa buong Asya. Kulang tayo sa disiplina bilang mga mamamayan. Ang disiplina ay walang iba kundi ang kahandaang isakripisyo ang mga pansamantalang kasiyahan upang makamtan ang pangmatagalang benepisyo.   Ang disiplina ay isang paraan ng pamumuhay, kaya’t ginagawa ito may manghuhuli man o wala.

Sinabi sa Bibliya, sa pamamagitan ng Roma 12:2, na ang tunay na pagbabago ay ang pagbabago ng takbo ng isip. Kung hindi magbabago ang takbo ng ating isip at hindi tayo makakaranas ng pagbabago ng kultura bilang isang bansa, pupulutin tayo sa kangkungan ng kasaysayan. Mangyayari sa atin ang slogan na, “It’s more fun in the Philippines,” sa ibang kahulugan, dahil magiging katawa-tawa tayo sa buong mundo.

 

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with