^

Punto Mo

Tama ba si Ninoy, the Filipino is worth dying for?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

GINUNITA natin kahapon ang pagkakapaslang kay Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino noong 1983 na humantong sa pagbagsak ng diktadurang Marcos pagkaraan ng tatlong taon sa pamamagitan ng EDSA People’s Power Revolution.  May isang sinabi si Ninoy na talagang tumatak sa ating kaisipan bilang isang lahi — “The Filipino is worth dying for.” Sa simpleng salin,“Karapat-dapat ilaban ng patayan ang Filipino.”

Tama ba si Ninoy sa kabila ng nangyayari sa ating bansa? Ang mga pulitikong pinatatalsik natin dahil sa katiwalian, pagkaraan ng ilang panahon ay muli nating ibinabalik sa kapangyarihan. Bago maupong Presidente si Marcos noong 1965, ang Pilipinas na ang ikalawang pinakamala-king ekonomiya sa buong Asia, kasunod ng Japan, pero ngayon, kasama tayo sa mga kulelat. Patuloy ang pagdami ng kaso ng human at drug trafficking. Palala nang palala ang katiwalian, Parami nang parami ang naghihirap.

Ano ba ang problema natin? Sa anumang lipunan ay kailangan ang pagkakaroon ng mga role models, isang konseptong dinibelop ng American sociologist na si Robert K. Merton.  Ang role models ay mga taong ang magagandang katangian at halimbawa ay nagbibigay-inspirasyon sa iba upang gayahin.  Kabilang sa mga katangian ang mataas na moralidad, tiwala sa sarili, positibong pananaw sa buhay, pagiging magalang at masipag.

Sa aking pananaw, ito ang malaki nating trahedya. Kulang tayo ng mga role models mula sa gobyerno, negosyo at maging sa simbahan. Nais kong ituon ang pansin sa gobyerno. Marami sa ating mga lider ay masama ang ipinakikitang halimbawa na siyang ginagaya ng mga sumusunod na lider at maging ng karaniwang mamamayan.

May ipinahayag si Apostol Pablo na tatlong magandang role models: Sundalo na modelo ng katapatan; atleta na modelo ng pagsunod sa mga alituntunin; at magsasaka na modelo ng kasipagan at positibong pananaw sa buhay.

May tatlo tayong sangay ng gobyerno na kung ang mga taong naririto’y magiging mga role models, sasang-ayon ako sa sinabi ni Ninoy. Ang mga ito’y ang Hudikatura na binubuo ng mga Hukom at mga Huwes; ang Ehekutibo na pinangunguhan ng Presidente, iba pang halal na opisyales at mga nasa serbisyo publiko; at ang Lehislatura na binubuo ng mga Senador at Kongresista.

Tama si Ninoy kung ang ating Hudikatura ay magiging tulad ng isang sundalo na modelo ng katapatan. Sa kanila’y katapatan sa Konstitusyon. Isang Hudikaturang hindi maaaring bayaran at takutin sa pagpapairal ng hustisya.

Tama si Ninoy kung ang ating Ehekutibo ay magiging tulad ng isang atleta na modelo ng pagsunod sa mga alituntunin. Isang Ehekutibo na hindi lalabag sa Konstitusyon at umiiral na mga batas, hindi nababahiran ng kahit bahagyang singaw ng katiwalian at laging nagpapahalaga sa buhay at karapatan ng mga tao.

Tama si Ninoy kung ang ating Lehislatura ay magiging tulad ng isang magsasaka na modelo ng kasipagan at positibong pananaw sa buhay. Sa kanila’y kasipagan sa paggawa ng mabubuting batas na maghahatid sa Pilipinas sa paraiso. Isang Lehislatura na ang mga kaanib ay tunay na kagalang-galang dahil sa kanilang katalinuhan, kababaang-loob, integridad, at pagmamahal sa bansa.

Kapag nagkaroon tayo ng ganitong uri ng gobyerno, siyento porsyento akong sasang-ayon sa sinabi ni Ninoy, “The Filipino is worth dying for.” At idadagdag ko pa at ipagsisigawan nang may pagmamalaki, “Pilipinas, ang sarap mong mahalin!”

vuukle comment

BENIGNO AQUINO

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with